LUNGSOD CALOOCAN, April 1 (PIA) -- Inudyukan ni Senator Win Gatchalian ang mga kinauukulan na pangasiwaan ang pagsasagawa ng onsite electric meter reading sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) upang masiguro na hindi na mauulit ang naranasang bill shock sa kuryente ng mga konsyumer noong nakaraang taon.
“Ayaw na nating maulit pa ang kalituhan sa mataas na singil ng kuryente na nangyari noong isang taon matapos ang ilang buwan na pagpapatupad ng ECQ. Kaya dapat may natutunan na ang mga kinauukulan at may mga nakahandang hakbang na upang maiwasan ang bill shock,” sabi ng Chairperson ng Senate Energy Committee.
Apela ni Gatchalian sa mga local government units (LGUs), lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng NCR plus bubble, na makipagtulungan sa Energy Regulatory Commission (ERC) at Meralco at pahintulutan ang pagsasagawa ng onsite meter reading nang masiguro ang tamang singil ng kuryente sa takdang panahon. Pero huwag kalilimutan aniya ang pagpapatupad ng wastong health protocols.
Matatandaan na inulan ng reklamo ang ERC noong kalagitnaan ng nakaraang taon matapos makatanggap ang mga kunsyumer ng napakataas na electric bills. Sa pagsasagawa ni Gatchalian ng imbestigasyon sa Senado ukol dito noong nakaraang taon, inamin ng Meralco ang kalituhang dulot ng pagkalkula nila sa tatlong buwang konsumo sa kuryente mula Marso, Abril, hanggang Mayo. Hindi raw nila kaagad naipahiwatig na isinama na nila sa billing ng May ang estimang gamit sa kuryente mula Marso hanggang Abril.
Isiniwalat din ng power distributor sa nasabing imbestigasyon na ang kanilang singil sa mga konsyumer ay base sa average consumption mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 2020 dahil walang naisagawang meter reading sa mga buwan ng Marso at Abril dahil sa ipinatutupad noon na ECQ.
“Umabot na sa 4.2 milyong mga Pilipino ang walang trabaho nitong nakaraang Pebrero, mas mataas kaysa sa bilang ng mga nawalan ng trabaho noong Enero ayon sa datos. Huwag na nating dagdagan pa ang pasanin nila. Ang Meralco din naman ang mahihirapan kung ang mga nasasakupan nila ay hindi kaagad makakabayad. Dapat magtulungan tayo,” ani Gatchalian.
Sa isang pahayag na inilabas ng ERC nito lamang Marso 26, nakiusap ang komisyon sa mga LGUs na payagan ang meter readers ng Meralco na magsagawa ng actual meter reading sa kani-kanilang mga nasasakupang lugar. Ang Meralco naman ay inatasan ng komisyon na siguruhin ang pagtalima sa mga kaukulang health protocols ng mga meter reader katulad ng pagsusuot ng personal protective equipment (PPE) upang maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments