Tagalog News: Papanagutin ang telcos sa 'palpak at paputol-putol' na internet service

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, March 14 (PIA) -- Hinimok ni Senator Win Gatchalian ang National Telecommunications Commission (NTC) nitong Sabado na obligahin ang mga telecommunications companies na madaliin ang pagpapatayo ng mga bagong cell towers upang tuluyan nang umayos ang internet connectivity sa bansa.

“Lahat na ng kailangang mekanismo upang mapabilis ang konstruksyon ng telecommunications towers ay inilatag na sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act o Bayanihan 2 na isinabatas simula noong isang taon para masiguro ang maayos na internet service. Wala na akong makitang rason kung bakit patuloy pa rin tayong nagdurusa sa palpak at paputol-putol na internet connection,” ani Gatchalian.

Tinukoy ni Gatchalian, Vice Chairperson ng Senate Public Services Committee, ang mga probisyon sa ilalim ng  Bayanihan 2 na pansamantalang nagsususpinde ng ilang mga requirements upang umiksi ang regulatory procedures sa pagkuha ng mga permit at clearance sa pagpapatayo ng mga imprastraktura na kailangan ng sektor ng telecommunications.

Sa datos ng Department of Information and Communications Technology (DICT), aprubado na noon pang Febrero 10, 2021 ang 2,860 na mga permits at clearances sa 460 na mga siyudad at munisipalidad samantalang kasalukuyan pang nakabinbin ang 848 na permits and clearances para sa 264 pang ibang siyudad at munisipalidad. Sa kasalukuyan, nasa 20,000 pa lang ang nakatayong cell towers sa buong bansa at kailangan pang dagdagan ng 50,000 na towers upang tuluyan nang maging maayos ang internet connection sa bansa.

“Habang patuloy ang pandemya, lumalawak ang pangangailangan natin sa internet connectivity. Mawawalan ng saysay ang pinagsumikapan nating batas kung hindi naman ito naipatutupad. Hindi rin natin ramdam ang naiulat na bumilis na mobile internet speed,” dagdag pa ng senador.

Ayon sa Ookla Speedtest Global Index, bumilis nitong Pebrero kumpara noong unang buwan ng taon ang internet speed ng mga fixed broadband at mobile internet sa bansa.

Samantala, itinutulak ni Gatchalian ang panukalang Better Internet Act (Senate Bill No. 1831), kung saan isa sya sa mga co-author, na nag-oobliga sa lahat ng public telecommunication entities at internet service providers na palawakin ang service coverage at makapaghatid ng minimum standard para sa internet connection speed. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments