Tagalog News: Plebisito sa islang Bayan ng Kalayaan, natuloy rin

Natuloy rin ang pagsasagawa ng plebisito sa islang bayan ng Kalayaan sa kabila ng pagka-antala ng mga plebiscite materials at supplies para dito. Makikita sa larawan ang pagboto ng isang botante sa precinct 0001A sa Bgy. Pag-asa, Kalayaan, Palawan (Larawan musa sa isang residente na hindi na nagpakilala)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mar. 13 (PIA) -- Natuloy rin ang pagsasagawa ng plebisito sa islang bayan ng Kalayaan sa kabila ng pagka-antala ng mga plebiscite materials and supplies para dito.

Sa impormasyong ibinahagi ni Jomel Ordas, tagapagsalita ng Comelec-Palawan, sinabi nito na ganap 9:40AM ay nadala sa Bgy. Pag-asa sa Kalayaan ang mga balota at iba pang pormas at mga suplay na gagamitin sa plebisito sa pamamagitan ng sasakyang panghimpapawid ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Bago magtanghali ay dumating sa nasabing isla ang eroplanong sinakyan ng mga mga gamit para sa plebisito kung kaya’t nasimulan din ang botohan sa nasabing bayan.

Nasa 281 ang kabuuhang bilang ng mga rehistradong botante sa Kalayaan, ngunit inaasahang hindi lahat makakaboto sa mga ito dahil ang ibang botante ay stranded pa sa Lungsod ng Puerto Princesa, ayon kay Ordas.

Ani Ordas, dahil sa pagkaantala ng pagbubukas ng botohan sa Bgy. Pag-Asa ay pinalawig ng Comelec ang oras ng pagboto ng mga botante dito nang hanggang 5:00 p.m.

Samantala, matapos na magsara ng ganap na 3:00 p.m. ang ibang presinto sa Palawan ay agad ding nagsimula ang pagbilang ng mga boto dito.

Ayon naman kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa kabuuhan ang naganap na plebisito ay maayos na naisakatuparan at inaasahan nito na magtutuloy-tuloy ito hanggang sa matapos ang bilangan at mai-proklama ang mananalo dito kung 'Yes' ba o 'No'.

Inaasahan din na ngayong gabi ay malalaman na ang resulta ng plebisito sa Bayan ng Kalayaan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments