Tagalog News: Tatlong lugar sa Mandaluyong isinailalim na granular lockdown

Bantay-sarado ng isang barangay tanod ang isang checkpoint sa Block 41 ng Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City ngayong Sabado, Marso 13. Isinailalim na sa granular lockdown ang Zone 4, 5, at 9 simula Biyernesm Marso 12 hanggang Marso 18 bilang bahagi ng pagpapababa sa kaso ng COVID-19 sa siyudad. (Philippine News Agency photo)

LUNSOD CALOOCAN, Marso 13 (PIA) -- Isinailalim na sa granular lockdown o paglilimita ng paglabas ng mga tao sa mga lugar ng Zone  4, 5, at 9 sa Block 41, Barangay Addition Hills sa Lungsod Mandaluyong upang makontrol ang kaso ng COVID-19 sa lugar.

Ang naturang lockdown ay batay sa kautusan ni Mandaluyong City Mayora Carmelita ”Menchie” Abalos na nakasaad sa kaniyang Executive Order 32, Series of 2021, dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ayon kay Mayor Menchie, “Layunin ng granular lockdown ang masugid na contact tracing at pagsasagawa ng COVID-19 swab testing sa mga taong nasa loob ng mga sonang nabanggit upang malabanan ang pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.

Sa ilalim ng EO 32, Series of 2021, ang lockdown ay ipatutupad hanggang Marso 18.

Ang mga tao sa nasabing lugar ay pinagbabawalang lumabas ng bahay maliban kung:

  • May health emergencies;
  • May bibilhing essential goods ngunit kailangang isang tao lamang na binigyan ng barangay pass para sa layuning iyan;
  • Authorized persons outside of residence na pinapayagan sa ilalim ng panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) at kailangan magpakita ng karampatang identification card (Id); at mga nagtitinda na may kaukulang barangay pass din.

Paiigtingin din ang pagpapasunod sa minimum public health and safety protocols, paiiralin ang curfew mula alas diyes hanggang alas kuatro ng umaga, walang papayagang pumasok o lumabas na sasakyan sa mga nasabing lugar, ang mga taong lalabas o papasok ay titingnan ang temperature, ang PNP-Mandaluyong at ang barangay at  assigned military reservist ang magpapatupad nang nasabing kautusan.

Bibigyan naman ng kaukulang parusa ang sinumang lalabag sa kautusang ito.

Ipinag-utos naman ni Mayor Menchie ang pagpapadala ng grocery packs sa mga apektadong sambahayan. Mag-iisyu rin  ng panibagong quarantine pass ang barangay para sa mga miyembro ng sambahayan na nagtatrabaho o namamalengke.

“Hiling po namin ang buong kooperasyon ng lahat para tayo ay manatiling ligtas sa pandemyang ito. Maraming salamat po,” pakiusap ni Mayora Menchie.

Ang ilang araw na patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, kasama na ang Mandaluyong, ang nagbunsod sa pamahalaang lungsod na isailalim sa granular lockdown ang mga nabanggit na lugar na nakitaan ng may mataas na kaso. 

Sa huling ulat nitong ika-11 ng Marso, ang aktibong kaso sa siyudad ay umakyat sa 396 kasama na ang bagong kaso sa araw na ito na 65. Ang kabuuang bilang naman ng kumpirmadong kaso ay 7,110. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments