Tagalog News: San Juan City Mayor Francis Zamora positibo sa COVID-19

Mayor Francis Zamora (PIA-NCR file)

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 2 (PIA) -- Positibo  sa sakit na COVID-19 si San Juan City Mayor Francis Zamora.  Ito ay kaniyang inihayag sa kaniyang opisyal na FaceBook Page kahapon, Marso 1, 2021.

Sinabi ni Mayor Zamora na nagpositibo siya sa routine swab test na isinagawa sa kaniya noong ika-28 ng gabi ng Pebrero at sa isinagawang confirmatory test kinaumagahan ng Marso 1.

Aniya pa, asymptomatic naman siya ngunit kailangan niyang magpaquarantine upang huwag makahawa sa komunidad na kaniyang ginagalawan, sa kaniyang pamilya  at lalo na sa kaniyang asawa na isang cancer survivor.

Ang butihing Mayor ay kasalukuyang nagpaquarantine sa Cardinal Santos Medical Center.

Nanawagan naman si Mayor Francis sa kaniyang mga nakasalamuhang tao na magpaswab test upang matingnan ang kanilang kalagayan, magamot at huwag nang makahawa pa ng iba.

Mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kanilang City Health Officer na si Dra. Rosalie Domingo sa COVID-19 Operations Center, 2nd flr ng Lungsod San Juan City Hall mula Lunes hanggang Biyernes sa mga oras na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Nagpaalala rin si Mayor Francis sa mga San Juañenos na maigting na sundin ang mga inilatag na health at safety protocol ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 upang maiwasang ang lalong pagkalat ng lubhang nakahahawa at nakamamatay na virus na ito. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments