LUNGSOD NG CALAMBA, Marso 15 (PIA) - Inaasahang tataas ang kumpiyansa ng mga medical frontliner sa lalawigan ng Quezon sa mga bakuna kontra COVID-19, matapos simulan ang malawakang pagbabakuna para sa mga healthcare worker nitong Huwebes, ika-11 ng Marso, sa Lungsod ng Lucena.
Umabot sa 1,460 na health worker ng Quezon Medical Center (QMC) ang nabigyan ng bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Sinovac ng China, na personal na sinaksihan ni Department of Health Center for Health and Development - CALABARZON Regional Director, Eduardo Janairo, kasama sina Assistant Regional Director Paula Paz Sydiongco, QMC chief of hospital, Dr. Rolando Padre, at Quezon Provincial Governor Danilo Suarez.
“Kitang-kita na dahil sa pag-aaral, kahit anong bakuna na ibinigay sa atin ay safe na safe. Tandaan natin: ito ang last ditch ng ating pakikipaglaban [sa pandemya],” paniguro ni Director Janairo.
Kabilang sa mga medical frontliner na pinakaunang binakunahan sina Infection Control Committee Head, Dr. Mayce Italia-Cabuyao; Department of Medicine Infectious Diseases Consultant, Dr. Allen Yentyl Logatoc; Hospital Administrator, Rowell NapeƱas at Chief Nurse na si Bb. Salome Paycao, bilang tanda ng tiwala ng sektor ng medisina sa programang ito.
Samantala, hiniling ni Dr. Mayce Italia-Cabuyao sa kanyang mga kasama na mayroong agam-agam sa kaligtasan ng mga bakuna na makiisa upang mabigyan ng proteksyon ang kanilang hanay bilang mga nangunguna sa pakikipaglaban ng lalawigan sa naturang sakit.
Aniya, “Okay lang naman na may agam-agam kayo pero sana lawakin natin ang pag-iisip natin. Magpabakuna na tayo pa at least matapos na ang pandemyang ito,”
Tulad ni Dr. Italia Paycao, hinimok rin ni Chief Nurse Salome Paycao ang kanyang mga kapwa healthcare worker na magpabakuna.
Aniya, ang mga ito ay magsisilbing proteksyon na matagal nang hinihiling ng mga medical worker mula pa nang magsimula ang pandemya.
“Ang pagdating ng bakuna laban sa COVID-19 ay itinuturing na isang napakahalagang elemento ng ating pangkalahatang panlaban sa virus na ito. Inaasahan ng lahat na ito ang magsisilbing daan pabalik sa dating pamumuhay, paggawa at pagsilbi ng ating nasasakupan,” ani QMC Hospital Chief, Dr. Rolando Padre.
Samantala, nasa 60 hanggang 70 porsyento naman ng mga health worker sa buong lalawigan ang nagsabi na nais nilang makapagpabakuna.
“Nakikita natin ‘yung pangangailangan natin ng bakuna para maprokteksyunan tayo, maging ang mga kamag-anak natin at mga kasamahan sa paligid na hindi pwedeng mabakunahan,” paliwanag ni Integrated Provincial Health Officer, Dr. Roland Tan.
Patuloy ni Tan, “Kung makikita nila na tayo sa sektor ng kalusugan ay nagpapabakuna, mas tataas ang kumpiyansa nila na magpabakuna na rin,”
Matapos ang matagumpay na pagbabakuna sa mga medical worker, inaasahang makikiisa na rin ang ibang sektor sa susunod na pag-arangkada ng malawakang pagbabakuna kontra COVID-19.
Buo naman ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa naturang programa upang ang mga ‘vulnerable sector’ gaya ng mga medical frontliner, mga sundalo, at mga senior citizen.
Maliban sa Quezon Medical Center na pinaglaanan ng 1,461 na bakunang gawa ng Sinovac, inaasahan na maipamamahagi ang mga bakuna sa iba’t ibang pagamutan sa lalawigan, gaya ng Maria L. Eleazar General Hospital sa Tagkawayan (71 dose) at Claro M. Recto Memorial District Hospital sa Infanta (154 dose).
Sa kabuuan, naglaan ang Department of Health (DOH) ng nasa 1,686 na dose ng bakunang gawa ng Sinovac para sa buong lalawigan. (PB)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments