2,925 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Calabarzon; aktibong kaso higit 16K na

CALAMBA CITY, Laguna, April 7 (PIA) -- Umakyat na sa 16,860 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Calabarzon, matapos makapagtala ng 2,925 panibagong kaso ang Department of Health Region 4A ngayong Martes, April 6.

Sa official COVID-19 bulletin, iniulat ng DOH 4A na pumalo na sa kabuuang 100,440 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon magmula noong Marso 2020.

Pinakamataas na panibagong kaso ang naitala sa Cavite sa bilang na 1,844; kasunod ang lalawigan ng Rizal na mayroong 612 new cases; Batangas-247 new cases; Laguna-145 new cases; Quezon-73 new cases; at Lucena City na mayroong 4 new cases.

Nangunguna rin ang lalawigan ng Cavite sa may pinakamataas na aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon na umabot na sa 6,303.
Sinundan ito ng lalawigan ng Rizal na may 3,511 aktibong kaso; Laguna-3,258; Batangas 2,794; Quezon-927; at, Lucena City na may 67 aktibong kaso.

Samantala, 1,165 panibagong paggaling naman ang naitala ng DOH 4A habang 70 na pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw dahil sa COVID-19.

Sa ngayon, umabot na sa 80,901 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling habang 2,679 naman ang bilang ng mga pumanaw.
Patuloy naman ang DOH 4A sa pagbibigay ng paalala sa publiko na palagiang sundin ang minimum health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments