Kautusan sa pagpapalabas ng Travel Pass ipapatupad sa Quirino

CABARROGUIS, Quirino, Abril 6 (PIA)—Sinimulan nang ipatupad ang  Executive Order No. 8 na ipinalabas ng tanggapan ni Governor Dax Cua  na naglalayong mapangasiwaan nang maayos ang paglabas sa lalawigan ng mga mamamayan habang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lalawigan mula April 1 hanggang April 15, 2021.

Ayon kay Gov. Cua, ang hakbang na ito  ay naglalayong mapigilan ang paglaganap ng corona virus at maibaba ang kaso sa lalawigan.

Sa kanyang Executive Order, inatasan ni Gov. Cua ang mga punongbayan na magbigay ng travel pass na hindi lalagpas sa bilang ng naitakdang magbibiyahe sa loob ng isang linggo sa mga araw na kanilang napagkasunduan kasama ang mga kapwa nilang opisyal sa kani-kanilang mga baya.

Sa Cabarroguis, 400 lamang ang papayagang lumabas; 150 sa  Aglipay; 450 sa Diffun; 600 sa Maddela; 300 sa Nagtipunan at 210 sa Saguday.

Ang mga punongbayan ay maaaring magpalabas ng travel pass  nang hindi lalagpas sa limang porsiyento o 5% sa itinakdang bilang ng mga taong maaaring lumabas sa loob ng isang linggo sa mga pangyayaring hindi sinasadya o sa mga panahon ng kagipitan katulad ng pagpapagamot sa ibang lalawigan.

Ang mga kukuha ng travel pass ay kinakailangang magpasa ng Medical Clearance Certificate (MCC) mula sa Municipal Health Office at  Quarantine Pass mula sa kanilang punongbarangay. Ikakabit ang mga dokumentong ito sa kanilang  travel pass. (MDCT/TCB/PIA 2-Quirino)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments