Mga nagbebenta, bumibili, umiinom ng alak, paparusahan

CABARROGUIS, Quirino, Abril 6 (PIA)—Muling nagpaalala ang pamahalaang panlalawigan sa mga mamamayan na bawal magbenta, bumili at uminom ng mga nakalalasing na inumin sa panahon ng kalamidad batay sa umiiral na Panlalawigang Ordinansa Bilang 08 na pinagtibay noong Disyembre 2013 at sinusugan ng Ordinansa Bilang 13 noong Disyembre 2020.

Sakop ng ordinansa ang mga kalamidad tulad ng bagyo, public at health emergency gaya ng COVID-19 pandemic, lindol, baha, pagguho ng lupa o landslide at iba pang natural na kalamidad.

Sa ilalim ng ordinansa, ang sinumang magbebenta, bibili at iinom ng nakalalasing na inumin ay papatawan ng mga sumusunod na parusa:

Unang pakakasala- P1,500.00 na multa o community service ng walong oras para sa mga hindi makakapagbayad ng multa,

Pangalawang pagkakasala-P3,000.00 na multa o community service sa loob ng 12 na oras para sa mga hindi makakapagbayad, at

Pangatlong pagkakasala- P5,000.00 o community service sa loob ng 15 hours para sa mga hindi makakabagbayad ng nasabing halaga.

Ang mga malilikom na multa ay mapupunta sa mga lokal na pamahalaan- sa barangay-30%; munisipyo-40% at probinsya-30%.

Inaatasan din sa ilalim ng ordinansa ang mga punongbayan sa pamamagitan ng mga hepe ng pulisya, PDRRMO, MDRRMO at punongbarangay na subaybayan at siguruhin ang mabisa at mahigpit na pagpapatupad ng nasabing ordinansa.

Patuloy din ang pagpapaala ni Gov. Dax Cua sa mga mamamayang nakakasaksi ng mga paglabag sa ordinansa na ipagbigay-alam sa kanilang mga kapitan o sa PNP para sa agarang pagkakahuli ng mga lumalabag sa nasabing batas. (MDCT/TCB/PIA 2-Quirino)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments