ANTIPOLO CITY, Rizal, Abril 12 (PIA) -- Nagsimula na ang ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Rizal sa pamamahagi ng ayuda para sa mga residente nitong apektado ng enhanced community quarantine.
Sa Taytay Rizal, matapos maibaba ang pondo mula sa pamahalaang nasyunal ay agad na sinimulan ang pamamahagi ng ayuda para sa mga benepisyaryo nitong Huwebes, Abril 8.
Unang nabigyan ng cash assistance ang mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) 1 and 2 sang-ayon na rin sa DILG-DSWD-DBM Joint Memorandum Circular No.1.
Ayon sa Taytay PIO, nagtakda ng distribution pay-out centers ang pamahalaang lokal para sa maayos na pamamahagi ng ayuda.
Inaabisuhan naman ang mga benepisyaryo na pumunta lamang sa Ayuda Center sa nakatakdang schedule ng kanilang batch payout at sundin ang minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield.
Kasabay ng Taytay ay sinimulan na rin sa bayan ng San Mateo ang pamamahagi ng ayuda para sa mga benepisyaryo nito kung saan unang nakatanggap ng cash assistance ang mga naging benepisyaryo ng SAP 1 at 2.
Aabot sa P270,929,000 ang pondong inilaan ng pamahalaang nasyunal para sa mga benepisyaryo ng Taytay habang P246,276,000 naman ang sa San Mateo.
Kabilang rin sa mga bayan na nagsimula nang mamahagi ng ayuda ang Binangonan at Teresa. Samantala, nakatakda namang mamahagi ng kanilang cash assistance ang iba pang mga bayan at lungsod sa Rizal ngayong linggo.
Batay sa DILG-DSWD-DND JMC No.1, may 15 araw lamang ang mga lokal na pamahalaan na maipamahagi ang tulong pinansiyal mula sa petsa na natanggap ng mga ito ang Notice of Cash Allocation.
Aabot sa P1,000 ang halaga na maaaring matanggap ng isang benepisyaryo habang hindi naman lalagpas sa P4,000 ang matatanggap ng bawat pamilya. (FSC/PIA4A-SMT)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments