Tagalog News: Pamamahagi ng 'ECQ Ayuda' sisimulan sa Angono ngayong linggo

ANGONO, Rizal, Abril 11 (PIA) -- Nakatakdang magsimula ngayong linggo ang pamamahagi ng ayuda para sa mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine sa Angono, Rizal.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Jeri Mae Calderon na gagawing house-to-house ang distribution ng cash assistance upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente nito.

“Base sa napagkasunduan kasama ang mga kapitan ng barangay, bahay-bahay pong ibibigay ang ayuda sa inyo. Kaya relax lang po at hintayin ninyong mapuntahan kayo ng Barangay,” pahayag ng alaklde.

Ayon kay Mayor Calderon, lahat ng mga pamilya sa bayan ng Angono ay mabibigyan ng ayuda maliban sa mga mga immediate family ng mga kawani ng gobyerno at barangay officials.

“Walang iiwanan, lahat ng pamilya ay mabibigyan. Kasama rin ang kawani ng lokal na pamahalaan sa gagawing pagbibigay ng ayuda upang masiguro na lahat ay mabibigyan,” saad ni Mayor Calderon.

Aabot sa P96,345,000 ang kabuuang pondo na inilaan ng pamahalaang nasyunal para sa pamamahagi ng ayuda sa tinatayang 45,865 pamilya sa bayan ng Angono. Sinabi ni Mayor Calderon na gagawa ng stratehiya ang pamahalaang bayan upang mabigyan lahat ng benepisyaryo ng ayuda.

Sa Executive Order No. 2021-12 na nilagdaan ng alkalde, nakasaad na ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng cash na P1,000 bawat indibidwal. Nakasaad din sa kautusan na dalawang indibidwal kada pamilya ang magiging bahagi ng payroll para sa tulong pinansiyal.

Kaugnay nito ay inatasan ni Mayor Calderon ang mga punong barangay na i-post sa official social media accounts ang listahan ng mga benepisyaryo. 

Sakaling may reklamo sa ilalabas na listahan ay maaari aniya itong iparating sa binuo nilang Grievance Committee para sa kaukulang aksyon.

Batay sa DILG-DSWD-DND Joint Memorandum Circular No. 1, mula sa pagkakatanggap ng Notice of Cash Allocation ay may 15 araw lamang ang mga lokal na pamahalaan upang maipamahagi ang ayuda kung ibibigay ito ng cash. (PI4A-SMT)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments