CABARROGUIS, Quirino, May 15 (PIA)—Hinimok ni Governor Dax Cua ang mga mamamayang nasa priority list gaya ng mga senior citizen, mga may comorbidity at mga frontliner na magpabakuna na laban sa Covid-19 upang maiwasan ang malalang epekto sa kanila kung sakaling tamaan sila ng nasabing sakit.
Ayon kay Gov. Cua, dapat huwag nang patagalin at huwag nang maghintay pa kasi hindi natin alam kung kailan sila maaring mahawa kaya’t mas magandang magpabakuna na sila ng Sinovac man o Astrazeneca.
Ibinalita rin ng gobernador na nabakunahan na siya ng first dose ng Sinovac vaccine at wala siyang naramdamang side effects gaya ng lagnat, sipon at hindi nangalay ang kanyang braso.
“Sa tingin ko lahat naman ng bakuna na pinapayagan ng ating Food and Drugs Administration ay effective at makakatulong,” ani Gov. Cua.
Ayon kay Gov. Cua, patuloy ang pagdating ng bakuna at tatanggap din ang lalawigan ng Pfizer vaccines sa susunod na buwan. Isa aniya ang lalawigan sa iilan lamang na maaaring tumanggap dahil sa kahandaan nito sa pag-provide ng cold chain storage na angkop sa pangangailangan ng Pfizer na -70 degrees celcius na freezer.
“So meron na tayong inaasahang Astrazeneca, Sinovac, Pfizer, at titingnan natin kung tatanggap din tayo ng Moderna at iba pang klase ng mga bakuna,” saad ng gobernador.
Ayon kay Gov. Cua, nais ng pamahalaang panlalawigang mabigyan ang mga mamamayan ng pagpipilian ngunit ipinaalala niyang may patakaran ang DOH na kung pauli-ulit nang tumanggi ang isang nasa priority list ay mailalagay na ito sa pinakahuling listahan.
Payo ng gobernador sa mga mamamayan na makipag-ugnayan sa RHU at maging tapat sa mga ibibigay na impormasyon hinggil sa kanilang kalusugan at sabihin kung ano ang napiling bakuna para matignan ng mga health worker yung sitwasyon nila kung angkop ang napiling bakuna sa kanilang kalagayang pangkalusugan.
“Wala namang problema kung mas gusto niyo yung Pfizer as long as we have enough vaccines, i-accomodate natin lahat ng pwede pero hindi ko lang alam pa, honestly, hindi ko pa po alam kung ilan ang darating na Pfizer, hindi ko alam kung anong araw sa susunod na buwan, hihintayin ang pagdating ng mga ito sa ating lalawigan,” dagdag ng gobernador.
Samantala, ayon sa pinakahuling ulat ng PHO, mayroon nang 8,324 doses na Sinovac ang dumating sa lalawigan at 610 doses ng astrazeneca.
Umabot na sa 683 ang nabakunahan ng una at pangalawang doses ng Sinovac at 611 naman ang naturukan ng unang dose ng AstraZeneca.
Base sa pahayag ng mga naturukan ng Covid-19 vaccines, wala umano silang naramdamang side effects mula nang sila ay mabakunahan at mas kampante na silang protektado sila laban sa coronavirus at kung mahawa man sila ay di na sila mangangamba sa malala o matinding epekto ng sakit sa kanila. (TCB)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments