PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 15 (PIA) -- Tinalakay sa programang Public Briefing: Laging Handa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod, maging ang mga hakbang at paghahanda kung paano ito matutugunan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas.
Tinalakay ang mga ito mismo ni Mayor Lucilo R. Bayron nang maging panauhin ito sa Public Briefing: Laging Handan na live na napanood sa PTV-4 at sa Radyo Pilipinas kahapon.
Sa panayam ni USec. Rocky Ignacio ng PCOO, unang tinalakay ni Mayor Bayron ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ani Mayor Bayron, bago pa man ma-anunsiyo ng OCTA Research na nasa special area of concern ang Puerto Princesa ay itinuturing na ito ng Regional-IATF na 'area of concern' noon pang buwan ng Abril.
Ipinaliwanag din ni Mayor Bayron kay USec Ignacio na hindi talaga matukoy ng lungsod kung saan nanggaling ang biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
“Di namin talaga ma-pinpoint kung saan talaga nanggaling ang surge na ito na nangyayari sa lungsod”, pahayag ni Mayor Bayron.
“Pero nagsimula ito noong Abril 5 na biglang nagkaroon kami ng siyam na kaso sa isang araw. Para sa amin napakalaki nun, kasi nagsimula sa parang 25 na aktibong kaso lang noong Abril 4, biglang nagkaroon ng siyam na active cases nong Abril 5 tapos nagtuloy-tuloy na ‘yon hanggang ngayong Mayo”, dagdag na pahayag ng Alkalde.
Sinabi rin ng Alkalde na isa sa mga tinitingnan na maaaring nadala ito ng mga Authorized Persons Outside Residence (APORs) dahil wala naming turistang dumarating sa lungsod, sabagama't hindi pa rin ito napapatunayan.
“Walang dumarating na turista dito. Hindi natin masabi na ang mga turista ang nagdala ng kaso dito. Isa sa tinitingnan, pero hindi talaga mapatunayan, kaya baka nadala ng mga APOR dito sa amin ‘yong spike ng covid cases. pero ganun din, hindi talaga mapapatunayan yun. Ang pwede lang talagang patunayan dito ay ‘yong malakas talagang makahawa ang COVID-19 kaya umabot kami sa ganitong sitwasyon”, ang paliwanag pa ng Punong Lungsod kay USec Ignacio.
Sinabi ni rin Mayor Bayron na sa ngayon ay hindi na problema ang kakulangan ng mga quarantine at isolation facility sa lungsod, dahil marami naman aniya ang mga hotel na maaaring rentahan.
Ang pinaka-problema aniya ng lungsod ay ang kakulangan ng mga health care worker na magbabantay sa mga isolation at quarantine facility dahil ang mga health care worker ng lungsod ay tinamaan na rin ng virus at ang mga kasamahan nitong health care workers na naging close contacts ng mga nagpositibo ay naka-qurantine na rin.
Pinaghahandaan na rin ng lungsod ang isasagawang mass vaccination na gagawin sakaling dumating na ang nasa 200,000 dose ng AstraZeneca na inorder ng pamahalaang panglungsod. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments