TALAVERA, Nueva Ecija, Mayo 13 (PIA) -- Opisyal nang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform o DAR ang 1.2 ektaryang lupain sa pamahalaang bayan ng Talavera sa Nueva Ecija.
Ang programa ay pinangasiwaan mismo ni DAR Secretary John Castriciones kasama ang iba pang matataas na opisyales ng ahensya gayundin ang mga opisyal ng bayan ng Talavera sa pangunguna ni Mayor Nerivi Santos- Martinez.
Ayon kay Castriciones, pagdating sa munisipyo ay kanilang unang tinungo ang lupaing matatagpuan sa Barangay Bantug Hacienda na pinaplano ng pamahalaang bayan na gawing cold storage na tutugon sa mga pangangailangan ng mga magsisibuyas sa Talavera at mga karatig bayan.
Aniya, kung magkakaroon ng cold storage facility ay maiiwasan nang mabulok ang mga aning sibuyas ng mga magsasaka gayundin ay masisiguro ang pagkakaroon ng suplay ng sibuyas sa buong taon.
Pahayag ng kalihim, sa tulong ng proyektong ito ay tiyak na tataas ang kita at antas ng pamumuhay ng mga magsasaka dahil maiiwasan na ang pagkalugi o pagkasira ng mga aanihing produkto.
Kaugnay nito ay ang lubos na pasasalamat ni Martinez mula sa natanggap na lupaing magsisilbing katuparan upang makapagpatayo ng sariling cold storage facility sa munisipyo.
Aniya, ang Talavera ay pang-apat sa pinakamalaking producer ng sibuyas sa buong lalawigan ng Nueva Ecija kung kaya’t malaking tulong ang lupang tinanggap mula sa DAR upang maisakatuparan ang matagal nang pangarap na cold storage facility na tutugon sa mga problema ng mga magsasaka hindi lamang mula sa Talavera kundi sa mga karatig pang mga lokalidad.
Ibinahagi din ng alkalde na aabot sa 120,000 bags ng sibuyas ang kakasya sa itatayong pasilidad na maaaring paglagakan nang hanggang sa apat o anim na buwan.
Katumbas nito aniya ang nasa 2,500 magsisibuyas sa buong lalawigan na maaaring mabenepisyuhan sa itatayong proyekto.
Ayon pa kay Martinez, ang pagkakaroon ng sariling cold storage facility ng munisipyo ay makatutulong upang maibsan ang gastusin ng mga magsasaka partikular ang napupunta sa mga middleman o pribadong cold storage na nakababawas pa sa kabuuang kita ng mga magsasaka.
Kanya ding ipinaaabot ang patuloy na pagsuporta ng pamahalaang bayan sa mga isinusulong na programa at adbokasiya ng DAR na ang pangunahing layunin ay makatulong sa ikinabubuhay ng mga magsasaka.
Maliban sa paggawad ng lupain sa pamahalaang bayan ng Talavera ay isinagawa din ng DAR ang ceremonial na pamamahagi ng mga titulo ng lupa na kung saan nasa 159 titulo ang ipagkakaloob sa 150 Agrarian Reform Beneficiaries sa mga munisipyo ng Guimba, Cuyapo, Pantabangan, Rizal at Talavera.
Sa nasabing programa ay sampu lamang na mga ARBs ang personal na lumahok bilang tugon sa mga health protocol na ipinatutupad kontra sa pagkalat ng COVID-19.
Pinangasiwaan din nina Castriciones at Martinez ang pagbabasbas ng mga makinaryang nagkakahalaga ng 1.5 milyong piso na ipinagkaloob sa anim na Agrarian Reform Beneficiaries Organizations o ARBOs.
Ito ay mula sa programang Climate Resilient Farm Productivity Support Project na kinapapalooban ng apat na yunit ng hand tractor, tig-anim na yunit ng grass o brush cutter at STW pump and engine, labing apat na yunit ng knap sack power sprayer, at ang tig-isang piraso ng shredding machine at power tiller cultivator.
Sa parehong programa ay personal na iginawad ng DAR ang nasa 18.7 milyong pisong loan grant mula sa Agrarian Production Credit Program sa apat na ARBOs sa lalawigan partikular ang Sunshine Agricultural Credit Cooperative sa bayan ng Cabiao, Tupad Pangarap MPC ng lungsod ng Gapan at Cama Juan ARB Cooperative at Panabingan ARB Cooperative na parehong mula sa bayan ng San Antonio. (CLJD/CCN-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments