LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 31 (PIA) -- Dalawang Malasakit Center ang pinasinayaan nitong weekend sa ilang ospital sa Lungsod Maynila na magsisilbing "one-stop shop" para sa medikal at pinansyal na pangangailangan ng mga mahihirap na pasyente.
Ang unang Malasakit Center, na pang-115 na sa bansa ay binuksan sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital isang maternal at newborn tertiary hospital na matatagpuan sa kahabaan ng Lope de Vega Street, Sta. Cruz, Manila.
Ang ikalawa naman, o ika-116 na Malasakit Center ay nakatayo sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center, isang tertiary public hospital sa kahabaan ng Rizal Ave, Santa Cruz, Lungsod Maynila.
Tutulong din ang mga Malasakit Center sa nabigasyon at pagbibigay-referal sa mga healthcare provider network at pagbibigay impormasyon tungkol sa “membership coverage: at benepisyo na mga nakasaad sa ilalim ng National Health Insurance Program ng pamahalaan.
Ang dalawang Malasakit Center ay parehong tatauhan ng mga kinatawan mula sa mga tanggapan ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Magtutulongtulong sila upang maayos na maproseso at maapruba ang hinihinging medikal at pinansyal na tulong ng mga kwalipikadong benipisyaryo.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop-shop ng mga medikal at pinansyal na tulong ng pamahalaan para sa lahat ng mamamayang Filipino lalo na yaong mga mahihirap.
Ito ay non-partisan, libre, madaling puntahan, at may pamantayang sistema na ipinatutupad sa lahat ng 116 na lokasyon nito sa buong bansa.
Layunin din ng mga Malasakit Center na maibaba na pinakamababang halaga o kaya ay zero-balance ang bayarin sa ospital kasama na rin ang mga “out-of-pocket” na gastusin sa ospital ng mararalitang Filipino. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments