Tagalog News:  Abaca Expansion Project, ipapatupad sa Vizcaya

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Mayo 12 (PIA) - Ipapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ang Abaca Expansion Project (AEP) upang mabigyan ng trabaho at kita ang mga mamamayan.

Ayon kay Gobernador Carlos Padilla, isinasagawa na ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PROCEDE) at mga kawani ng Philippine Fiber Authority (PhilFIDA) ang mga plano upang maipatupad sa lalong madaling panahon ang nasabing AEP sa lalawigan.

Ayon sa gobernador, layunin ng AEP na matulungan ang mga miyembro ng Barobbob Watershed Occupants Association, Inc. (BWOAI) sa bayang ito.

Isa sa mga isasagawang proyekto sa ilalim ng AEP ang Sericulture Project o paggawa ng mga sutla o seda mula sa pag-aalaga ng mga uod na pangangasiwaan ng mga BWOAI members.

Ayon kay Padilla, handa ang PhilFIDA na magbigay ng pondo at teknikal na suporta at tulong upang maayos na maipapatupad ang AEP sa unang taon ng operasyon nito.

"Magbibigay din sila ng tulong hinggil sa geotagging, pangangasiwa sa taniman ng Abaca at iba pang pamamaraan upang tuloy-tuloy ang gulong ng nasabing proyekto na pakikinabangan ng mga mamamayan," pahayag ni Governor Padilla.

Ayon sa mga kawani ng PhilFIDA, magbibigay sila ng P20 million upang gamitin sa pagpapatayo ng Filature Facilities na ibibigay sa mga kwalipikadong mamamayan.

Mataas umano ang pangangailangang suplay ng mga sutla sa pandaigdigang merkado kaya't kailangan ang karagdagang mga produkto nito.

Pawang ginagamit ang seda o sutla at Abaca sa paggawa ng mga barong tagalog at iba pang damit at kagamitan. (MDCT/BME/PIA2-Nueva Vizcaya)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments