Tagalog News: Ano man ang quarantine status, MMDA Chair Abalos patuloy ang panawagan sa publiko na mag-ingat sa COVID-19

PASIG CITY, Mayo 13 (PIA) -- Ano man ang magiging quarantine status ng Kamaynilaan sa mga susunod na araw, patuloy pa rin ang panawagan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos sa publiko na mag-ingat laban sa sakit na COVID-19. 

Ano man ang quarantine status natin, mag-ingat tayong lahat,” wika ni Abalos.

Aniya, sa kabila ng pagbaba ng bilang mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region ay kailangan pa ring mag-ingat.

Kinakailangan pa rin ng istriktong pagpapatupad ng health protocols.

Dagdag pa ng pinuno ng MMDA na palagiang pairalin ang disiplina at malasakit sa kapwa upang sama-samamg masugpo ang COVID-19.

Magugunitang nagpulong ang mga miyembro ng Metro Manila Council nitong Miyerkules upang pagkasunduan ang magiging rekomendasyon nila kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases hinggil sa susunod na quarantine status ng Metro Manila.

Sa Biyernes, ika-14 ng Mayo, nakatakdang matapos ang modified enhanced community quarantine na itinaas sa NCR Plus bubble dahil sa sumipang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region at mga karatig probinsya.

Kaugnay nito, nakatakdang ianunsyo ni Pangulong Duterte ang susunod na mga quarantine status sa iba't ibang lugar mamayang gabi sa kanyang "Talk to the People" television program. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments