LUNGSOD NG BATANGAS, Mayo 18 (PIA) --Bukas na sa trapiko ang bagong gawang Batangas City-San Pascual-Bauan Diversion Road matapos ang isinagawang inagurasyon at inspeksyon noong Mayo 13, 2021.
Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar kasama sina 2nd District Rep. Raneo Abu at 5th District Rep. Marvey Marino ang inagurasyon ng naturang kalsada na nagdudugtong sa dalawang bayan at isang lungsod sa ikalawa at ikalimang distrito ng lalawigan ng Batangas.
“Halos tapos na ang buong proyektong ito at inaasahan natin na libo-libong sasakyan ang makikinabang sa kanilang pagdaan dito. May ilang mga extensions at finishing touches na lang na gagawin pero magagamit na ang kalsada within this quarter. Ito ay libreng magagamit ng mga biyahero at wala silang kailangang bayadan pagdaan dito,” ani Villar
Ang kalsadang ay may 10.97 kilometro ang haba at bahagi ng Luzon Spine Expressway Network sa ilalim ng Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte.
Inaasahang mapapa-ikli nito ang oras ng pagbiyahe mula Batangas City hanggang Bauan sa 20 minuto na dati ay inaabot ng dalawang oras.
May kabuuang P1.4B ang halaga ng naturang proyekto kasama na ang mga tulay na bahagi nito at inaasahang libu-libong sasakyan ang makikinabang sa pagdaan dito araw-araw.
Bukod sa mga turista na dadaan dito papunta sa mga tourist destinations sa bahagi ng Kanlurang Batangas mas mapapabilis na din ang pagdadala ng mga produkto at ibang serbisyo sa mga karatig bayan ng mga nasasakupan ng diversion road.(BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments