TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Mayo 13 (PIA) - - - Ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Lal-lo sa lalawigan ng Cagayan ang Ordinance No. 43 series of 2021 o ang Color-Coded Identification Wristband Ordinance kamakailan.
Ayon kay Vice Mayor Ma. Olivia Pascual sa panayam sa kanya sa DWPE Radyo Pilipinas ngayong umaga, ang naipasang Color-Coded Identification Wristband Ordinance ay layunin na sugpuin pa ang pagkalat ng COVID-19 sa naturang bayan sa pamamagitan ng paglalagay ng wristband sa mga probable, suspected at positive case na na-assess ng kanilang COVID Operation Center.
Sa ilalim ng ordinansa, kulay ‘green’ ang ipapasuot ng mga personnel ng COVID Operation Center para sa mga indibidwal na naghihintay ng resulta ng kanilang swab test samantalang kulay ‘blue’ naman para sa mga ‘on strict home quarantine’ o mga indibidwal na galing sa mga lugar na mataas na bilang ng kaso.
Kulay ‘pula’ naman para sa mga COVID-19 positive na indibidwal na ayon sa bise mayor ay kagyat na idinadala ng lokal na pamahalaan sa kanilang mga nakatalagang isolation facilites upang masiguro na walang positibong indibidwal ang nasa loob ng kanilang bahay.
Dagdag ni Pascual na magiging mekanismo rin ito ng mga residente na matulungan ang lokal na pamahalaan para ma-monitor ang isang indibidwal kung sakaling pagala-gala siya habang naghihintay ng resulta ng kanyang swab test.
Dagdag ng bise mayor na mas mapapaigting ang polisiyang ‘Stay At Home’ para sa mga probable at suspected case dahil sa oras na lumabas sila sa kanilang bahay harang naghihintay ng resulta ng kanilang swab test, mabilis silang matutukoy ng kanilang mga kapitbahay at mai-report sa lokal na pamahalaan para sa agarang aksiyon.
“Alam ko po ang hirap na pinagdadaanan ng bawat LGU kung paano masolusyunan ang problema sa COVID. Hindi kaya lahat ito ng LGU, kailangan ang pagtutulungan ng bawat ahensiya ng gobyerno lalong-lalo na ang mga barangay na ngayon po ay malaki ang partisipasyon sa problemang ito,” ani Pascual.
Ani pa ni Pascual na dapat ang ay mapagmasid dahil aniya, ang COVID ay hindi na lang basta laban ng iisang tao kundi laban na ng lahat.
“Ito po ang panahon na ipakita natin kung ano ang maitulong o mai-ambag para masolusyonan na natin ang COVID-19,” sinabi pa niya.
Upang masiguro na tatalima ang mga na-asses ng COVID Operation Center, sinabi ni Pascual na tanging mga personnel lamang ng OpCen ang maaaring magsuot ng wristband at tanging sila lang din ang magtatanggal o magpapalit sa oras na dumating na ang resulta ng kanilang swab test o natapos na nila ang home quarantine.
Hindi rin basta-basta natatanggal ang naturang wrist band ayon kay Pascual dahil siniguro nila na matibay ito at kung sakaling sisirain ng isang indibidwal ang nasabing wristband ay agad na matutukoy ng mga personnel ng COVID Operation Center.
Sa ilalim ng ordinansa, magbabayad ng P2,500 o maaaring makulong sa loob ng 30 araw ang mga indibidwal na mapapatunayang lalabag sa naasting ordinansa. ( MDCT/PIA-2)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments