Tagalog News: DepEd-Butuan, BSP namahagi ng health wellness kits sa mga mag-aaral

LUNGSOD NG BUTUAN, May 31 (PIA) -- Bagama’t may pagbabawal o limitado pa rin ang face-to-face classes sa Caraga region, siniguro pa rin ng Department of Education (DepEd) - Butuan City Division na ipagpatuloy ang kanilang youth formation program.

Sa pakikipagtulungan ng Bangko Sentral ng Pilipinas - Butuan City, nabiyayaan ng health welness kit ang daan-daang kindergarten at grade school na mga mag-aaral ng pampublikong paaralan sa barangay Masao at Agusan Pequeño sa lungsod ng Butuan.

Pinangunahan nina Margie Marte ng Banko Sentral ng Pilipinas-Butuan, schools division superintendent Marilou Dedumo, kasama si Evangeline Razon, youth information program focal officer ang simpleng turn over program kung saan malugod na tinanggap naman ito ng mga school head, district supervisors, mga guro, at opisyal ng barangay.

Ipinamahagi naman agad ito sa kanilang mga mag-aaral. Naglalaman ang bawat health wellness kit ng face masks, face shield, alcohol at sabon.

“Nais nating ipaabot sa management ng Bangko Sentral ng Pilipinas dito sa Butuan ang lubos na pasasalamat sa kanilang suporta sa aming ahensiya lalung-lalo na sa mga recipient schools. Alam naman natin ang kahalagahan ng nasabing health kits lalo na ngayong may pandemya. Ang inyong suporta ay talagang makatutulong sa ating mga mag-aaral para sa kanilang karagdagang proteksiyon. Sana ay mas mapalakas pa ang ating partnership kasama ang Bangko Sentral para sa mga batanag Butuanons. Patuloy ang Deped - Butuan City Division sa pagsulong ng aming  mantra na One Butuan , We  Love as One,” pahayag ni Dr. Mariolou B. Dedumo, schools division superintendent ng DepEd- Butuan City Division.

Laking tuwa at pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga mag-aaral na nakatanggap ng nasabing health wellness kits.

“Maraming salamat po sa inyong pagbibigay halaga sa aming kalusugan at kaligtasan,” sabi ni Kezia Mae Pagsiat, president ng Supreme Pupil Government (SPG) ng Masao Elementary School.

Isang nakakatuwang ngiti naman ang naaninag mula sa mukha ni Sheila Mae Uba, kindergarten na mag-aaral, habang binigkas ang kanyang taos-pusong pasasalamat. “Thank you so much. Masaya-masaya po ako sa aking natanggap,” ani Uba.

Ayon kay Margie Marte, deputy director ng Bangko Sentral ng Pilipinas - Butuan, napapanahon ang pamamahagi ng health wellness kit lalo na ngayong kinakaharap pa ng buong bansa ang pandemya.

Pinapaalalahanan naman niya ang lahat ng mga mag-aaral na ugaliin pa rin ang paghuhugas ng kamay, pagsuot ng face mask at face shield, pagsunod sa social distancing, at pagpanatili sa bahay kung kinakailangan.

“Sana ay marami pang mga mag-aaral ang mabiyayaan ng nasabing health wellness kits para kahit papaano ay makakapagbigay tulong tayo sa kanila kahit sa ganitong paraan. Salamat din sa ating masipag na Youth Information Program focal person na si Ms. Evangeline B. Razon sa kanyang assistance at pagsisikap para maisulong ang programang pangkabataan,” sabi ni Tammy Tara Moldes, SPG adviser ng Masao Elementary School. (VLG/PIA-Caraga)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments