Tagalog News: Gobyerno dapat itulak ang gawang lokal na bakuna laban sa COVID-19 -Gatchalian

Senator Win Gatchalian sa kanyang pagbisita sa sa Valenzuela National High School sa Brgy. Marulas, Lungsod Valenzuela upang magmasid sa implementasyon ng VC Vax, ang malawakang pag-rollout ng bakuna kontra COVID-19. (Kuha ni Mark Cayabyab/OS Win Gatchalian) 

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 11 (PIA) -- Hinikayat ni Senator Win Gatchalian ang gobyerno na maging maagap at pag-aralan ang posibilidad na magkaroon ang bansa ng sariling bakuna laban sa COVID-19, habang mainit na pinagdedebatihan ng mga lider mula sa iba't-ibang bansa ang pagsuspindi ng intellectual property rights sa paggawa ng COVID-19 vaccines.

Hinimok ni Gatchalian ang mga pangunahing ahensya tulad ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Trade and Industry (DTI) kung paano mabibigyan ng insentibo ang mga lokal at dayuhang mamumuhunan na magtayo ng planta dito sa bansa at gumawa ng sarili nating bakuna.

Ayon sa Vice Chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, dapat seguruhin ng gobyerno na mabilis at maisasaayos ang mga kailangang dokumento tulad ng authorization o product registration sa Food and Drug Administration (FDA).

“Ang pagkakaroon ng access sa mga bakuna ang pinakamalaking hamon sa mga bansang katulad natin. Sakaling ma-waive ang patent rights ng mga bansang kabilang sa World Trade Organization (WTO), mabibigyan tayo ng pagkakataon para masimulan ang paggawa ng sarili nating anti-COVID-19 vaccines,” sabi ni Gatchalian.

Upang magtuloy-tuloy ang ganitong plano, iginiit ni Gatchalian ang pagkakaroon ng mga pasilidad para sa mga research projects at pag-aaral kung paano maaaring maging kaagapay ang mga pharmaceutical companies sa paggawa ng bakuna dito sa bansa.

Sinabi rin ni Gatchalian na dapat ding paghandaan ang mga imprastraktura para sa storage at logistics capability na kailangan para sa tamang pamamahagi ng mga bakuna.

Ipinanawagan ng mga kinatawan ng South Africa at India sa WTO noong Oktubre ng nakaraang taon ang pag-waive ng IP rights sa paggawa ng COVID-19 vaccines ng mga miyembrong bansa nito habang nagpapatuloy ang pandemya. Ang kanilang panukala ay umani ng suporta sa mga developing countries ngunit inalmahan ng mga bansang may mga malalaking pharmaceutical companies.

“Sa ngayon ay nakadepende tayo sa ibang bansa pagdating sa suplay ng bakuna laban sa COVID-19 para maatim ang herd immunity. Naniniwala ako na dapat ay pagsikapan natin ang posibilidad na makapagtayo tayo ng sarili nating produksiyon,” sabi ni Gatchalian.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na lokal na kumpanyang nagpahayag ng interes sa paggawa ng bakuna at nakikipag-ugnayan na sila sa mga ahensya ng gobyerno.

“Win-win solution kapag makagawa tayo ng bakuna kontra COVID-19. Kapakanan ng lahat ang nakasalalay dito. Bukod sa kasiguruhan sa bakuna, makakapagbigay pa ito ng mga bagong trabaho,” ani Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments