Tagalog News: Hirap sa pagsagot ng modules sa ilalim ng distance learning dapat tugunan -Gatchalian 

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 2 (PIA) -- Sa pagresolba sa mga hamon ng distance learning at sa pagbangon ng sistema ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya, binigyang diin ni Senator Win Gatchalian na dapat tugunan ang mga itinuturing na “learning inequalities” at siguruhing bawat mag-aaral ay nakakatanggap ng dekalidad na edukasyon.

Sa isang Pulse Asia Survey na isinagawa noong Pebrero 22 hanggang Marso 3, mahigit kalahati (53%) ng mga magulang o guardian na lumahok sa survey ang nagsabing ang hirap sa pagsagot sa modules ang pinaka karaniwang suliraning kanilang kinakaharap sa distance learning.

Ngunit ang hirap sa pagsagot sa mga modules ay mas laganap sa mga kalahok mula sa Mindanao (74%) kung ihahambing sa mga nasa National Capital Region (32%), ibang bahagi ng Luzon (43%), at Visayas (62%).

Habang dalawampu’t tatlong (23) porsyento ng mga magulang o guardian ang nagsasabing hirap sila at ang kanilang mga anak o inaalagaan na unawain ang itinuturo ng mga guro, mas marami sa mga kalahok mula Mindanao (33%) ang nag-ulat din ng ganitong suliranin kung ihahambing sa NCR (17%), ibang bahagi ng Luzon (24%), at Visayas (10%).

Noong 2017 binigyang diin ng isang ulat ng World Bank, Mindanao Development Authority (MinDA), at ng Philippine Business for Social Progress (PBSP) na mas mataas na porsyento ng populasyon ng Mindanao ang nasa ilalim ng poverty line (36%) kung ihahambing sa Luzon (13.1%) at sa Visayas (28%).

Bagama’t mahalaga ang mga hakbang tulad ng pagtiyak sa kalidad ng mga learning materials, ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at pagpapalawig sa abot ng internet, dapat ding bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon ang pagkakaroon ng mahuhusay na guro upang suportahan ang mga nangangailangang mag-aaral, paliwanag ni Gatchalian.

Lumabas din sa resulta ng pag-aaral ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga mahuhusay na guro sa mga paaralan kung saan maraming mga “low-performing” at mga nangangailangang mga mag-aaral.

“Kung susuriin natin ang datos, marami sa ating mga kababayan sa Mindanao ang napag-iiwanan sa pagpapatupad ng distance learning at hindi natin ito dapat hayaang magpatuloy. Sa ating pagpapatupad ng distance learning at sa pagbangon ng ating sektor ng edukasyon mula sa pinsala ng pandemya, kailangang siguruhin natin na abot ng bawat mag-aaral ang dekalidad na edukasyon saan man sila nagmula,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Matatandaang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1887 o ang Teacher Education Council Act upang maiangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro sa bansa. Sa ilalim ng panukalang batas, paiigtingin ang ugnayan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC) upang i-angat ang kalidad ng  edukasyon at training ng mga guro. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments