Tagalog News: Ihanda ang mga senior high school sa artificial intelligence -Gatchalian

Bilang chairperson ng dalawang mahalagang komite sa Senado na maghahanda sa bansa sa mga hamon ng tinatawag na "4th Industrial Revolution," ibinahagi ni Senator Win Gatchalian ang kanyang mga pananaw at legislative action plan sa sektor ng edukasyon sa ginanap na FEU National Technology Fair, noong ika-10 ng Abril 2019. (Kuha ni Mark Cayabyab/OS Win Gatchalian)

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 9 (PIA) -- Pinuri ngayong araw ni Senadtor Win Gatchalian ang panukalang pagkaroon ng National Center for AI Research (N-CAIR) sa ilalim ng inilunsad na artificial intelligence (AI) roadmap ng bansa.

Upang suportahan ang kahandaan ng bansa sa pagsulong ng artificial intelligence, isinusulong ni Gatchalian na hasain ang kakayahan ng mga mag-aaral sa senior high school para sa Fourth Industrial Revolution (Industry 4.0).

Ayon kay Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, ang panukalang N-CAIR na pamumunuan ng pribadong sektor ay magsusulong sa pananaliksik at pagdami ng mga eksperto pagdating sa AI at data science.

Base sa estima noong 2020 ng mga research firm na EDBI at Kearney, tinatayang aabot sa isang trilyong dolyar ang itataas ng gross domestic product (GDP) ng Southeast Asia sa 2030 dahil sa AI. Sa Pilipinas, inaasahan namang labindalawang (12) porsyento o katumbas ng siyamnapu’t dalawang (92) bilyong dolyar ang itataas ng GDP dahil sa AI. Inaasahang halos limampung (48) porsyento ng mga gawain sa trabaho sa bansa ang magiging automated, ayon naman sa worldwide management consulting firm na McKinsey & Company noong 2017.

Para kay Gatchalian, dapat tiyakin ng sektor ng edukasyon, kabilang ang sistema ng basic education, na ang mga skills na nakukuha ng mga mag-aaral ay magiging angkop sa inaasahang pag-angat ng AI sa bansa. Maliban sa pagkakaroon ng angkop na curriculum na kasalukuyang nirerepaso ng Department of Education (DepEd), binigyang-diin ng senador na dapat maging handa rin ang mga guro sa pagtuturo ng mga kinakailangang competencies o kakayahang  kinakailangan sa paglago ng AI.

Mahalaga din, ani Gatchalian, ang imprastraktura sa mga pampublikong paaralan upang maging epektibo ang pagsulong ng AI sa bansa. Ayon sa mambabatas malaki ang magiging papel dito ng Public Education Network (PEN) na balak buuin ng DepEd at ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Matatandaang nagkaroon ng kasunduan ang dalawang ahensya noong nakaraang Abril sa pagbuo ng PEN upang pabilisin ang pagkakaroon ng digital connectivity sa mga pampublikong paaralan.

“Dahil sa inaasahang papel ng artificial intelligence sa pag-unlad ng ating bansa, kailangang siguruhin natin na ang kakayahan ng ating mga kabataan ay tugma sa mga pangangailangan ng ating bansa para sa hinaharap. Mahalagang simulan natin ang paghahandang ito sa antas pa lamang ng senior high school upang maging matibay at malalim ang pundasyon ng kanilang kaalaman at kakayahan,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments