Tagalog News: LGU-Kidapawan City patuloy ang paghihikayat sa mamamayan na magpabakuna vs COVID-19

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng North Cotabato, Mayo 7 (PIA)-- Patuloy ang paghihikayat ng pamahalaang panlungsod ng Kidapawan sa mamamayan na magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019.

Kaugnay nito, sinimulan na ng LGU ang pagpapalabas sa mga simbahan sa siyudad ng video presentation kaugnay sa mga senior citizen na nagpabakuna kontra COVID-19. Sa pamamagitan nito ay makukumbinsi ang ilan pang residente, lalo na ang mga senior citizen, na magpabakuna.

Nabatid na abot sa 419 na mga senior citizen ang nabakunahan sa lungsod, partikular sa mga barangay ng Poblacion, Sudapin, Singao, Lanao, at Manongol nitong Abril 21 hanggang 23, 2021. Karamihan sa kanila ay may ‘controlled co-morbidities’ o umiinom ng maintenance medicine kontra hypertension, diabetes, asthma, at iba pang mga sakit.

Base sa presentasyon na testimonya ng mga nakatatandang nabigyan ng COVID-19 vaccine, walang dapat katakutan sa pagpapabakuna dahil may benepisyo ito. Hinikayat din nila ang iba pang senior citizen na huwag maniwala sa mga maling impormasyon patungkol sa pagpapabakuna.

Ipinalabas ang video presentation sa mga simbahan dahil na rin sa kahilingan ng iilang religious communities na makatulong sa pagbibigay ng tamang impormasyon patungkol sa anti-COVID-19 vaccination.

Kaugnay nito, patuloy na nananawagan ang City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU sa lahat na kasali sa priority list sa vaccination roll out na magpalista na sa kani-kanilang barangay upang mabigyan ng bakuna. (With CIO-Kidapawan City LGU)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments