Tagalog News: Mahigit 60,000 aplikante lumahok sa Labor Day online job fair -Sec. Bello

Labor Secretary Silvestre Bello III (PIA NCR file photo)

LUNGSOD PASIG, Mayo 5 (PIA) -- Mahigit 60,000 mga aplikante sa buong bansa ang lumahok sa ginanap na Labor Day job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong nakaraang Mayo 1, masayang ibinalita ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ayon kay Bello, umabot sa 60,795 aplikante sa buong bansa ang lumahok sa online job fair ng labor department, samantalang 300 naman ang tiyak na natanggap sa trabaho.

Sa ulat mula sa Bureau of Local Employment, sa kabuuang bilang ng mga aplikanteng nag-rehistro, 13,651 sa mga ito ang kwalipikado para sa iba't ibang bakanteng trabaho.

Samantala, 3,884 ang near-hires o iyong maituturing na tanggap na ngunit kinakailangang pang mag-sumite ng karagdagan o may kulang na dokumento, o kinakailangang sumailalim pa sa karagdagang interbyu o pagsusulit para maging ganap na kwalipikado sa trabaho.

Dagdag dito, 217 aplikante ang isinangguni sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa karagdagang pagsasanay o re-tooling, 224 ang isinangguni sa DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns para sa pangkabuhayang pagsasanay, at 138 ang isinangguni sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga katanungang pang-negosyo.

Ayon kay Bello, ito ay inisyal na bilang pa lamang dahil may mga parating pang report mula sa DOLE Regional Offices. 

Ang online job fair ay ginanap sa 16 rehiyon at nilahukan ng 665 employer at nag-alok ng mahigit 50,000 trabahong lokal at overseas mula sa mga industriya tulad ng manufacturing, health, business process outsourcing, textile, at construction. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments