PUERTO PRICESA, Palawan, Mayo 15 (PIA) -- Pinasalamat ni San Vicente Mayor Amy Roa Alvarez ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster sa paglulunsad ng Sustainable Agriculture for Villa Fria/Kemdeng Enterprise o Project SAVE sa Bgy. Kemdeng, San Vicente, kahapon.
Sa pambungad na pananalita ni San Vicente Mayor Amy Roa Alvarez, sinabi nito na ang patuloy na pag-aatake ng mga terorista sa ating mga kababayan at mga sundalo ay isang malaking hamon pa rin sa ating lahat.
Ito rin ang dahilan kung bakit mahirap pa ring makamit ng ating mga komunidad ang progreso at kaunlaran at upang malabanan ang hamong ito ay kinakailangang maibigay ang lahat ng serbisyo ng gobyerno sa lahat ng komunidad.
Ayon sa alkalde, malaking tulong ito sa kanyang mga kababayan sa San Vincente at umaasa itong sa pamamagitan ng programa ay lalo pang ma-empower ang mga ito at mas umunlad pa ang kanilang bayan.
Pinasalamatan din nito ang Pamahalaang Nasyunal sa pamamagitan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagbibigay ng P20 milyon para sa Enhanced Barangay Development Program ng Bgy. Kemdeng.
Ayon kay DILG-Municipal Local Government Operations Officer Rustico B. Dange, isa ang Bayan ng San Vicente sa tatlong natukoy na ‘red area’ sa Palawan kung saan may preseniya ng makakaliwang grupo at malakas na kumikilos upang makuha ang suporta ng mga mamamayan sa kanilang baluktot na adhikain at ang Bgy. Kemdeng ang isa sa mga barangay na priority area of convergence ng NTF-ELCAC.
Sa ngayon ay mayroon nang aprubadong Enhanced Barangay Development Plan ang Bgy. Kemdeng para sa limang taon mula 2021 hanggang 2026, dagdag pa ni MLGOO Dange. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments