LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 17 (PIA) -- Isinusulong ni Senator Win Gatchalian na repasuhin ng Senado ang estado ng paggamit ng Filipino Sign Language (FSL) para sa deaf education sa ilalim ng K to 12 habang patuloy ang mga suliraning dulot ng COVID-19 pandemic sa pagpapatuloy ng edukasyon para sa mga guro at mag-aaral na may kapansanan.
Layunin ng Senate Resolution No. 722 na inihain ni Gatchalian na suriin ang iba’t ibang mga isyu at suliranin ng deaf teachers at learners sa paggamit ng FSL, bagay na iminandato ng Republic Act No. 11106 o ang Filipino Sign Language Act.
Ikinababahala ng senador na hindi naipapatupad nang maayos ang naturang batas. Aniya, kulang pa rin ang training o pagsasanay para sa mga guro. Hindi naisusulong ang pagbibigay ng lisensya sa deaf teachers at nananatiling kulang ang mga kagamitan sa pagtuturo para dito –mga hamong lalong na-highlight sa ilalim ng distance learning.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11106 na naisabatas noong 2018, ang FSL ay itinuturing na pambansang sign language.
Bago ito isinabatas, ang mga programang pang-edukasyon para sa sign language at mga interpreter training ay isinasagawa lamang ng iilang nonprofit organizations. Wala ring mga polisiya ang pamahalaan samantalang ang mga guro ay napipilitan ding magsilbing interpreters. Madalas din noong ma-pull out ang mga guro sa pagtuturo upang maging interpreter sa mga korte at mga istasyon ng pulis.
Para sa school year 2016-2017, lumabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na may halos tatlong libong (2,885) Special Education Teachers na nagtuturo sa mahigit labintatlong libong (13,365) mag-aaral sa K to 12 na nasuring may kapansanan sa pandinig.
Binigyang diin din ni Gatchalian na ang Licensure Examination for Teachers ay hindi dinisenyo upang maging tugma sa training ng mga deaf teachers. Dahil dito, ang mga deaf graduates ay nagiging mistulang tutor imbes na magkaroon ng maayos na trabaho sa pormal na sistema ng edukasyon.
“Noong isabatas ang Filipino Sign Language Act, sinikap nating maging mas madali para sa ating mga deaf learners at teachers ang makilahok sa sistema ng ating edukasyon, ngunit hanggang ngayon ay marami pa rin sa kanila ang nahihirapan. Kaya susuriin nating mabuti kung paano matutugunan ang mga suliraning ito upang hindi mapag-iwanan ang ating mga deaf learners at teachers,” pahayag ng Chair ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments