Tagalog News: P25M halaga ng gov’t center itatayo sa DBS, Maguindanao

LUNGSOD NG COTABATO, Mayo 1 (PIA)-- Nakatakdang itayo sa bayan ng Datu Blah Sinsuat (DBS) sa Maguindanao ang dalawang palapag na government center na nagkakahalaga ng P25 milyon.

Ito ay matapos iniabot ni Ministry of the Interior and Local Government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MILG-BARMM) Minister Atty. Naguib Sinarimbo kay DBS Municipal Mayor Datu Marshall Sinsuat ang tseke para sa konstruskyon ng nasabing pasilidad sa bayan.

Ang unang tranche ay kinapalolooban ng P12.5 milyon na nagre-representa sa 50 porsyento ng kabuuang budget ng proyekto.  Samantala, ang natitirang 50% budget ay ibibigay pagdating ng 80% physical completion ng proyekto.

Nabatid na nitong Enero 18 ay nilagdaan nina Sinarimbo at BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang memorandum of agreement kasama ang mga alkalde ng mga bayan ng Talayan, Kabuntalan, South Upi, Datu Blah Sinsuat, at Sultan Kudarat para sa konstruksyon ng kani-kanilang dalawang palapag na municipal hall.

Isang katulad na kasunduan rin ang nilagdaan noong Disyembre ng nakaraang taon sa pagitan ng MILG at mga bayan ng Sultan Dumalondong, Butig, Poona Bayabao, at Lumbaca sa Lanao del Sur, at Pandag sa Maguindanao.

Layunin ng nasabing proyekto na mapahusay pa ang paghahatid ng serbisyo ng mga lokal na pamahalaan sa nasasakupan nito. 

Sinabi ni Sinarimbo, isang project management team ang itinalaga sa iba’t-ibang mga lugar upang i-monitor at siguraduhin na ang konstruksyon ay sumusunod sa project standards.

Ang pagpapatayo ng town halls ay bahagi ng comprehensive intervention at suporta sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Local Government Facilities Development Program (LGFDP) at ng Support to Local Government Unit Infrastructure Development Project (SLGUIDP) ng MILG. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments