Tagalog News: Pag-ibayuhin ang training programs sa mga kabataan tungo sa pagbangon ng bansa -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 13 (PIA) -- Hinimok ngayong araw ni Senator Win Gatchalian ang pamahalaan na paghusayin pa lalo ang mga skilling at training programs para sa mga kabataan. Ito ay upang iangkop ang kakayahan nila oras na sumabak na sila sa labor market at maging bahagi ng mga industriya, upang matulungan ang pagbangon ng bansa mula sa pinsala ng COVID-19 at matugunan ang suliranin sa jobs-education mismatch.

Sa isang pag-aaral na inilabas ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong nakaraang Marso, lumabas ang ilan sa mga hamon at mga suliraning kinakaharap ng skilling at training programs para sa mga kabataan lalo na iyong mga nasa ilalim ng Technical-Vocational Education and Training (TVET).

Ayon sa naturang pag-aaral na isinagawa bilang bahagi ng Youthworks PH initiative ng organisasyong  Philippine Business for Education (PBEd), marami sa mga aspeto ng training regulations ay hindi akma sa mga industry standards---bagay na suliranin na sa bansa bago pa tumama ang COVID-19 pandemic. 

Hindi rin sapat ang kaalaman ng mga trainers at assessors sa pangangailangan ng mga industriya, ayon sa pag-aaral. Samantala, lumalabas na kulang sa soft skills ang mga entry-level workers tulad ng communication skills at disiplina sa trabaho. Dahil dito ay inirerekomenda ng pag-aaral ang pagrepaso sa TVET curriculum upang matiyak na naituturo ang mga soft skills nang husto sa ilalim ng training regulations.

Inirerekomenda rin ang pagpapalawig sa paggamit ng mga flexible learning modalities at pagpapaigting sa mga digital skills, lalo na’t napilitan ang mga negosyong magpatuloy online noong tumama ang pandemya. Maliban sa pag-convert ng mga learning materials para sa online at iba pang modalities sa pagtuturo, iminumungkahi rin ang pagsasanay sa mismong mga trainers sa flexible learning.

Isinusulong din ng naturang pananaliksik ang regular na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, mga employers, at mga TVET providers upang matiyak ang pagkakaroon ng angkop na polisiyang tutugon sa iba't ibang mga isyu. Ang ganitong mga ugnayan o dayalogo ay inaasahang makakatulong sa pagsabay sa ilang mga pagbabago sa industriya, labor market, at training landscape.

Upang makatulong sa pagkamit ng mga rekomendasyong ito, isinusulong ni Gatchalian ang pagbuo ng National Education Council (NEDCO). Sa ilalim ng Senate Bill No. 1526 o ang National Education Council Act, paiigtingin ang ugnayan at pagsasaayos ng mga polisiya sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at  Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“Sa pagbangon ng ating bansa mula sa mga pinsalang dulot ng COVID-19, kailangang tutukan natin ang pag-angat ng kalidad ng pagsasanay ng mga kabataan upang maihanda sila kapag sumabak na sila sa trabaho at tiyakin na ang kanilang kasanayan at kakayahan ay angkop sa pangangailangan ng mga industriya,” pahayag ng mambabatas. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments