Tagalog News: Pagpapalaganap sa bisa ng VCO laban sa COVID19, hiniling

City Council session 2
Inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Puerto Princesa ang isang resolusyon na humihiling sa City Information Office na palaganapin ang resulta ng clinical studies ng DOST sa Virgin Coconut Oil bilang panlaban sa COVID-19. (Larawan ni Michael C. Escote/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 11 (PIA) -- Hinihiling ngayon ng Sangguniang Panglungsod ng Puerto Princesa sa City information Department na palaganapin ang ginawang pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST) hinggil sa kabutihang dulot ng Virgin Coconut Oil (VCO) laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID19).

Sa kanilang regular na sesyon kahapon, inaprubahan ng konseho ang ‘Resolution Number 1186-2021- A resolution earnestly requesting the city information officer to disseminate to the public the results of the DOST clinical study of the effectivity of VCO against COVID 19’ na iniakda ni City Councilor Henry Gadiano.

Bago ito ay binanggit ni Gadiano sa kaniyang privilege speech na tila hindi alam ng mga mamamayan ang resulta ng ginawang pag-aaral ng DOST sa VCO kung saan makakatulong ito para labanan ang COVID-19.

“Parang hindi tayo aware sa kanilang clinical studies, kaya pinapaki-usap natin sa city information office na palaganapin ang balitang ito” pahayag ni City Councilor Gadiano.

Ayon pa opisyal, mismong DOST na ang nagrekomenda na nakakatulong ito sa mga mild cases patient ng COVID-19.

“No less than ang undersecretary ng DOST ang nagsabi na ito pong Virgin Coconut Oil po ay 98 porsiyento na nakakatulong sa paglaban ng COVID- 19”, giit pa niya.

Matatandaang sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña na ang VCO, bilang adjunct supplement, ay makakatulong sa mga probable and suspect COVID-19 cases na nagpapakita ng sintomas para hindi lumala ang kanilang nararandaman pero nilinaw niya rin na kailangan pa ng maraming pagaaral para malaman ang bisa at galing nito bilang adjunct therapy  para sa mga  COVID-19 patients na may iba pang sakit o co-morbidities.

Noong December 3, 2020 sa DOST-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) virtual presser, kinumpirma ng DOST-FNRI na batay sa kanilang pagaaral sa VCO, lima  sa 29 COVID-19 probable and suspect cases ang nabawasan ang sintomas sa pangalawang araw na paggamit  ng  VCO.(MCE/PIA-MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments