Tagalog News: Pagtatanim ng kawayan isinusulong sa North Cotabato

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng North Cotabato, Mayo 7 (PIA)-- Isinusulong ngayon dito sa lalawigan ang pagtatanim ng kawayan sa mga landslide at mudslide prone area.

Ito ay matapos suportahan ni Governor Nancy Catamco ang presentasyon ni Mindanao Development Authority (MinDA) Chair, Sec. Emmanuel Piñol hinggil sa nasabing proyekto. Sa isinagawang Bamboo Forest Project Orientation, inilahad na magiging benepisyo ng proyekto ang mga bayan ng Arakan, Antipas, President Roxas, Kidapawan City, Magpet, at Makilala.

Magiging katuwang sa inisyatibang ito ang Development Bank of the Philippines-Forest Project (DBP-FP) sa pamamagitan ng pagbibigay ng 100% cost para sa planting stocks, 40% cost para sa site preparation, at 10% cost para sa livelihood assistance.

Samantala, positibo si Catamco na sa pamamagitan ng programa, matutulungan ang probinsya pagdating sa reforestation at pag-iwas sa mga insidente ng pagbaha.

Nagpaabot din ng kanyang pasasalamat ang gobernadora kay Piñol at sa DBP sa proyektong makatutulong sa pangangalaga sa kalikasan, maging sa pagsusulong sa mga produktong gawa sa kawayan. (With reports from PGO-IDCD/PGO-Media)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments