SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mayo 30 (PIA) -- Dumating sa lalawigan kahapon si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar upang personal na alamin ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng Occidental Mindoro Provincial Mobile Force Company (OMPMFC) at Communist Terrorist Group (CTG) at bigyang-parangal ang mga pulis na nakipaglaban sa makakaliwang grupo..
Batay sa ulat ng Regional Police Office (RPO), nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at CTG dakong 10:30 a.m., Mayo 28, sa Sitio Bamban, Barangay Nicolas bayan ng Magsaysay. Tatlong pulis ang nasawi habang may ilan ding nagtamo ng major at minor injuries.
Sa salaysay ni Connie Natividad Mulingbayan- Arteza, tagapamahala ng Philippine Health Insurance (PhilHealth) sa probinsya at miyembro ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC), pauwi na sila mula Sitio Quianay, Barangay Naibuan, San Jose, kung saan sila nagsagawa ng Serbisyo Caravan, nang maganap ang pananambang.
Nasawi sina Police Executive Master Sergeant Jonathan Alvarez at Police Corporal Estan Gongora samantalang sa ospital na binawian ng buhay si Police Staff Sergeant Nolito Develos Jr..
Ayon kay PNP Provincial Director (PD) PCol Hordan T. Pacatiw, Medalya ng Kadakilaan ang igagawad sa tatlong nasawi at tatanggap ng kaukulang tulong mula sa pamahalaan ang kanilang mga naiwang mahal sa buhay.
Personal namang iginawad ni Gen. Eleazar ang Medalya ng Kadakilaan kina PCpl Nicolas Estocapio at Pat Gerald Insigne habang Medalya ng Kadakilaan at Medalya ng Sugatang Magiting ang ipinagkaloob kina Pat Armando Pulido, Pat Bayani Salgado at Pat Darwin Equilla.
Paglilinaw ni PD Pacatiw, gagawaran din ng kaparehong mga parangal ang lima pang kapulisan na hanggang sa kasalukuyan ay nasa pagamutan dahil sa tinamong sugat mula sa napaulat na enkwentro.
Bagama’t patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente, naniniwala ang pamunuan ng PNP na CTG ang nasa likod ng pananambang. (PIA/Mimaropa)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments