Tagalog News: Sen. Go pinasalamatan ni Las Piñas Mayor Aguilar sa ayuda sa 50 pamilyang nasunugan

Nagpadala ng tulong ang opisina ni Senator Bong Go sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog noong ika-11 ng Mayo, 2021 sa Lakatan Street, Golden Acres, Barangay Talon Singko. (Kuha mula sa Las Piñas PIO)

LUNGSOD QUEZON, Mayo 14 (PIA) -- Nagpasalamat si Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar kay Senator Christopher “Bong” Go sa pagtulong sa 50 pamilya na nawalan ng tirahan ng naganap na sunog nitong Martes.

Ani Aguilar, malaking tulong para sa kayang mga kababayan ang donasyon ni Go na mga food pack na may bitamina, at mga face mask at face shield.

Sinabi pa ng alkalde na tumulong ang senador para mapagaan ang pakiramdam at mabigyan ng kasiyahan, sa pamamagitan ng raffle, ang mga nasunugan na pansamantalang nananatili ngayon sa Golden Acres Talon Singko.

Kabilang sa mga ipina-raffle ni Go ang isang mountain bike, isang Cherry Mobile tablet, at World Balance na rubber shoes.

Sinabi niya na bukod sa mga donasyon ni Go, ang 50 pamilya ay binigyan din ng tig-P5,000 bawat isa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sumiklab ang sunog noong Mayo 11 sa isang lugar ng tirahan sa Lakatan St., Golden Acres Subdivision, Talon Singko, Las Pinas City.

Halos 20 bahay ang natupok ng apoy. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments