Tagalog News: Tatlong barangay halls itatayo sa Sultan Kudarat, Maguindanao

LUNGSOD NG COTABATO, Mayo 9 (PIA)--- Nakatakdang itayo sa bayan ng Sultan Kudarat sa Maguindanao, partikular sa mga barangay ng Gang, Banubo, at Simuay, ang tatlong barangay halls na may dalawang palapag.

Ito ay matapos pangunahan nina Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod ‘Al Haj Murad’ Ebrahim at Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Minister Atty. Naguib Sinarimbo ang ground breaking ceremony para sa konstruksyon ng nasabing government centers.

Nabatid na bawat barangay hall ay pinaglaanan ng P3.5 milyon.

Sinabi ni Ebrahim na ang pagpapatayo ng government centers sa bawat barangay sa buong rehiyon ay bahagi ng mga pangako ng pamahalaan ng BARMM sa patuloy nitong panawagan para sa ‘moral governance.’ Sa pamamagitan din nito ay mas mabilis na makalalapit ang mamamayan sa kanilang mga lokal na lider.

Samantala, sinabi ni Sinarimbo na ang tatlong barangay halls na itatayo ay bahagi ng 20 mula sa 220 barangay halls na kasalukuyang ginagawa sa mga barangay ng Sulu, Lanao, Lungsod ng Cotabato, Maguindanao, at 63 mga barangay sa North Cotabato.

Sa kabilang banda, nagpahayag ng pasasalamat si Sultan Kudarat Mayor Datu Shameem Mastura sa pamahalaan ng BARMM para sa patuloy na pagpapanatili ng ‘moral governance.’ (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments