Tagalog News: P11.24M halaga ng COVID-19 isolation center itatayo sa kampo ng 6ID

LUNGSOD NG COTABATO, Mayo 9 (PIA)-- Nakatakdang itayo ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang dalawang palapag na COVID-19 isolation facility sa 6th Infantry (Kampilan) Division (6ID), Philippine Army (PA) sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ang konstruksyon ng nasabing 60-bedroom capacity isolation center ay nagkakahalaga ng P11.24 milyon.

Sinabi ni BARMM Assistant Senior Minister Abdullah Cusain na ang pakikipagtulungan ng pamahalaan ng BARMM sa 6ID Joint Task Force Central (JTFC) ay isang karangalan at pribilehiyo, lalo na sa konteksto ng paghahanda at pagtugon sa nagpapatuloy na pandemya na dulot ng coronavirus disease 2019.

Dagdag pa ni Cusain, ang pamahalaan ng BARMM ay nakapag-abot na rin ng tulong sa iba’t-ibang mga sektor, tulad ng mga lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng kahalintulad na imprastraktura.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si 6ID at JTFC Commander Maj. Gen. Juvymax Uy sa pamahalaan ng BARMM dahil sa patuloy na pagsisikap na matugunan ang epekto ng pandemya sa pamamagitan ng konstruksyon ng iba’t ibang isolation centers sa buong rehiyon.

Sinabi din ni Uy na ang naturang pasilidad ay hindi lamang makapagseserbisyo sa tropa ng Kampilan kundi pati na rin sa mga stakeholder at mamamayan na nasa Barangay Awang.

Ito rin aniya ay maaaring magamit bilang disaster-response unit ng mga kalapit na probinsya ng BARMM.  (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments