LUNGSOD NG QUEZON, Hunyo 1 (PIA) -- Pinabulaanan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos Jr. ang ulat ukol sa mga bakuna na di umano mapapaso o ma eexpired na dahil tambak pa ang stocks sa mga lokal na pamahalaan.
Sa virtual briefing kahapon na pinangunahan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinaliwanag ni Abalos na mula sa pagsisimula ng pagbabakuna ay wala pang napapaso o nageexpire na bakuna.
Pangalawa, aniya, pagdating ng bakuna sa lugar kinukunsidera itong first dose at hangga’t maaari ay nagtatabi ang pamahalaang lokal para naman sa nakatakdang tumanggap ng second dose.
“Pero kung may mga dumating na mga bakuna, ginagamit muna iyong pangalawang dose para naman makarami tayo and then magre-reserve na naman [ng panibago] for the second dose,” sabi ni Abalos.
Dagdag pa niya inaasahang marami pang bakuna ang sunod-sunod na darating sa bansa kaya naman plinaplano ng maigi ang pamamahagi nito o ang tinatawag na supply chain management.
“Isipin ninyo noong Abril, ang nabigay na bakuna sa Pilipinas ay kulang-kulang—I think, 1.5 million kung hindi ako nagkakamali. Pagkatapos itong June, we are going, ang projections is between 10, 12 or even 15 million of that,” pagkukumpara ni Abalos.
Binigyang linaw din ni Abalos ang mga agam-agam ng ilan tungkol sa masamang epekto ng pagpapabakuna at sinabing walang senior citizen ang namatay dahil sa bakuna sa Pilipinas.
“On record wala namang namatay dahil sa bakuna sa atin dito. Wala ho! In fact, kung may cases ka, halos wala ang sinasabi nating kritikal o masama, halos wala ho talaga. Kaya’t importante dito ay mahikayat sila [senior citizens] dahil mas importanteng protektado sila,” paglilinaw ni Abalos.
Paalala ni Abalos na hindi dapat mangamba ang mamamayan sapagkat patuloy umano ang pagmo-monitor ng MMDA, iba pang sangay ng gobyerno, at ng lokal na pamahalaan sa mga kaganapan hingil sa pagpapatupad ng kampanya sa pagpapabakuna at kaligtasan ng mga tumanggap nito. (MTQ/PIA-IDPD)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments