LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 30 (PIA) -- Ikinandado ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Manila Police District (MPD) ang opisina ng Winmo Documentation Services (Winmo) sa Sampaloc, Maynila nitong weekend.
Nakatanggap ng mga reklamo ang POEA Anti-Illegal Recruitment Branch (POEA AIRB) tungkol sa pag-rerecruit di-umano ng Winmo Documentation Services.
Sa pag-iimbestiga ng POEA AIRB, napag-alamang sa opisina ng Winmo sa Sampaloc nag-oorient at nangongolekta ng dokumento at placement fee ang mga tauhan ng Winmo kapalit ng pangakong trabaho sa UK, Canada, Germany, at New Zeland bilang mga caregiver, service attendant, at cleaner.
Nagpapakilala rin daw ang mga tauhan ng Winmo na sila ay accredited di-umano sa POEA Government Placement Branch.
Ayon kay POEA Administrator Bernard P. Olalia, hindi accredited sa POEA ang Winmo, hindi ito licensed recruitment agency, at wala itong authority na mag-recruit ng mga aplikante pa-abroad.
"Ang sinumang mag-rerecruit, kabilang na ang mangangako ng trabaho, mangongolekta ng bayad o dokumento para sa trabaho abroad, ng walang kaukulang lisensiya galing sa POEA ay illegal recruiter," giit ni Olalia.
Nanawagan ang POEA sa mga naging biktima ng Winmo Documentation Services na makipag-ugnayan sa opisina ng Anti-Illegal Recruitment Branch, upang matulungan sa pagsasampa ng mga kaso at mabigyan ng libreng tulong legal.
Ang sinumang may alam na kaso ng illegal recruitment o panloloko patungkol sa trabaho sa ibang bansa ay mangyari lamang na mag-message sa Facebook Page ng POEA Anti-Illegal Recruitment Branch sa www.facebook.com/airbranch. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments