Nagbunga ang limang taong pagsisikap ni Marvin Daludado bilang isang Traditional Jeepney Driver (TPUJ) ngayong nakatapos na siya sa kolehiyo nitong Mayo, at nabigyan pa ng oportunidad na ibalik ang pinaghirapan sa kanyang mga kapwa Public Utility Vehicle (PUV) driver.
Nagtapos ng kursong Information Technology si Marvin mula sa University of the East Caloocan sa pamamagitan ng pagpasada ng TPUJ habang pinagsasabay ang kanyang pag-aaral. Ngayon, kabilang na siya sa mga tapat na naglilingkod sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang dating masigasig sa mga aktibidad sa paaralan noong high school, namulat sa hirap ng buhay nang tumuntong sa kolehiyo.
"Dati sumasali ako sa mga activities nung high school. Marami po akong sinasalihan noon kaso noong pumasok po ako ng college, kinailangan ko pong kumayod para sa pamilya ko," paliwanag ni Marvin.
Sa edad na 17 nagsimulang pumasada ng PUJ si Marvin, bagay na naunang tinutulan ng mga magulang niya dahil sa kanyang murang edad. Ngunit nagpumilit si Marvin na kumayod para sa kanyang edukasyon sa pamamagitan ng pagtulong sa kanyang ama na isa ring TPUJ driver.
Pangalawa sa anim na magkakapatid, ninais ni Marvin na kumayaod para sa kanyang pag-aaral.
"Malaking tulong sa mga magulang ko yung pagmamaneho ko. Hindi na po ako humihingi sa kanila ng baon, at nag-aaral pa ang mga nakababata kong kapatid," ani Marvin.
Simula alas-singko ng umaga ay pumapasada na si Marvin sa rutang Malanday-Recto o Malinta-Pier 15 hanggang sa oras ng kanyang pagpasok pagpatak ng alas otso ng umaga.
Bagamat bago para kay Marvin ang mga ordinaryong ganap sa kalsada, nanatiling siyang tapat sa kanyang trabaho, lalo na sa pagsunod sa mga batas-trapiko. Aniya, normal na kay Marvin ang makipagtalo sa mga pasahero.
"Mahirap din po kasi na may mga pasahero na gustong bumaba sa mga hindi tamang babaan kaya pinpilit ko pa rin na sumunod dahil mahirap mahuli," kwento ni Marvin. "Nahuli na rin po ako dati dahil may pasahero na nagpumilit bumaba ng jeep. Dahil doon, nagbayad po ako ng P500 na multa na masakit din sa akin."
Hindi natinag si Marvin sa kanyang naging karanasan bilang isang TPUj driver, kahit naantala ang kanyang pagpasada dahil sa pandemya.
Dahil hindi pinayagang bumiyahe ang mga pampasaherong jeep sa unang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso ng nakaraang taon, nakahanap pa rin ng paraan si Marvin para kumita.
Nasubukan din niya na maging rider ng Lalamove at jeep-for-hire ng sariling PUJ.
"Business po talaga isa sa mga hilig ko at kailangan maging maparaan din. Nagawa ko na rin pong mag-angkat ng mga prutas, at minsan na rin po akong naloko nung nag-deliver ako ng pakwan sa Nueva Ecija," salaysay ni Marvin.
"Nung panahon na po yon, wala na akong magawa dahil tinakot po kami at gabi na nung nag-angkat kami."
Maging sa pagiging Lalamove rider, tapat pa rin sa quarantine protocols si Marvin.
"Dati may mga nagbu-book po pero hindi sinasabi kung ano yung ide-deliver. Kapag nalalaman ko po na alak yung pinapadala, tinatanggihan ko na lang," kwento ni Marvin. Kabilang sa mga alituntunin ng ECQ ang pagpapatupad ng Liquor Ban sa Metro Manila.
Pagbalik ng Serbisyo
Bukod sa pag-aaral, graduate na rin sa pagpasada si Marvin ngunit panibagong pagsubok ang kinaharap niya: ang paghahanap ng trabaho.
Hindi nagtagal bago masagot ang dasal ni Marvin nang tawagan siya ng LTFRB. Dahil sa taglay na inspirasyon mula sa kanyang pagpupursigi sa buhay, nabigyan ng oportunidad ang 23-anyos na bagong graduate na maglingkod sa bayan.
Isang bagong simula ang sumalubong kay Marvin sa gitna ng pagsubok na mapatupad ang pagbabagong inaasam ng bansa sa sektor ng pampublikong transportasyon. Bilang Senior Transport Operation Service Officer ng Service Contracting Program, mabibiyayaan ng bagong perspektibo ang ahensya pagdating sa kalagayan ng mga TPUJ driver.
"Umaasa po ako na malaki ang maitutulong ko sa programa, lalo na't naranasan ko maging drayber ng TPUJ," ani Marvin. "Nais ko rin matulungan ang mga kapwa ko drayber na apektado ng pandemya habang nagtatrabaho para mapaaral ang mga kapatid ko."
Tila naitadahana kay Marvin ang makapaglingkod sa kapwa na bagamat sa ilang taong pagkayod sa magandang kinabukasan bilang TPUJ drayber, ay siya ring magiging daan sa mas magandang kinabukasan sa kanyang mapaglilingkuran. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments