LUNGSOD CALOOCAN, June 6 (PIA) -- Binigyang-diin ngayong araw ni Senator Win Gatchalian na dapat tugunan ang pangamba ng mga magulang, lalo na’t marami pa rin sa mga Pilipino ang takot magpabakuna laban sa COVID-19, habang inaasahan ng gobyernong mabakunahan ang 29 milyong kabataang Pilipino o iyong mga wala pang 18 taong gulang simula Setyembre o Oktubre sa taong ito.
Matatandaang sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), 32 porsyento lamang ang handang magpabakuna kontra COVID-19, 35 porsyento ang hindi sigurado, at 33 porsyento ang tutol sa pagpapabakuna. May 1,200 kalahok ang naturang survey.
Kung mananatiling takot ang mga magulang sa mga bakuna kontra COVID-19, maaaring pigilan din ng mga ito ang pagbabakuna ng kanilang mga anak. Babala ni Gatchalian, makaka-apekto ito sa kumpiyansa ng publiko sa muling pagkakaroon ng limited face-to-face classes at sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.
Nakatakda naman ang Department of Education (DepEd) na mag-isyu ng memorandum kung paano makikilahok ang mga education frontliners sa pagbibigay ng kaalaman ukol sa bakuna. Para kay Gatchalian, maaaring simulan ng ahensya ang pakikipag-ugnayan sa mga magulang sa pamamagitan ng mga Parent-Teacher Associations (PTA) upang mabigyang-diin ang kakayahan ng mga bakuna laban sa matinding pagkakasakit, pagkaka-ospital, at pagkamatay.
“Bagama’t ilang buwan na ang lumipas matapos nating simulan ang pagbabakuna kontra COVID-19, nananatiling hamon pa rin para sa atin na palakasin ang tiwala ng ating mga kababayan. Mahalagang matugunan natin ang pangamba ng mga magulang upang mapabakunahan ang kanilang mga anak at matiyak nating magiging ligtas ang muling pagbubukas ng mga paaralan,” ayon sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Nangangailangan ang pamahalaan ng P20 bilyong para bakunahan ang mga batang may edad 12 hanggang 17 taong gulang. Kailangan din ng P55 bilyon para sa mga booster shots ng 85 milyong Pilipino, kabilang ang parehong nakatatanda at mga teenagers.
Noong nakaraang buwan din ay inanunsyo ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) na nakatakda nitong bigyan ng pahintulot ang paggamit sa Pfizer-BioNTech vaccine para sa mga batang may edad na 12 hanggang 15 taong gulang.
Sa kasalukuyan ay ginagamit na ang Pfizer-BioNTech vaccine sa Estados Unidos para sa mga kabataan ng naturang age group. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments