Tagalog News: Relief operations mula sa Bayanihan Grant, nagpapatuloy sa Torrijos

Lahat ng pamilya sa bayan ng Torrijos, anuman ang estado sa buhay ay makatatanggap ng food packs mula sa pondong ipinagkaloob ng Department of Budget and Management (DBM) na tinatawag na Bayanihan Grant to Cities and Municipalities. (Larawan mula sa Torrijos LGU Information Center)

TORRIJOS, Marinduque, Abr. 30 (PIA) -- Bagama't nangangamba sa kanilang kalusugan, patuloy ang isinagawang relief operation ng mga kawani ng Pamahalaang Bayan ng Torrijos partikular ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sapagkat nakapagtala na ang nasabing bayan ng apat na kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19.

Ayon kay Roberto F. Macdon, Head ng MDRRMO kasalukuyang namamahagi ang lokal na pamahalaan ng food packs sa mga barangay.

"Pang-apat na wave na po ang isinasagawa naming pamamahagi ng mga pagkain sa lahat ng pamilya dito sa bayan ng Torrijos. Ito po ay mula sa pondong ipinagkaloob ng Department of Budget and Management (DBM) na tinatawag na Bayanihan Grant to Cities and Municipalities," pahayag ni Macdon.

Dagdag nito lahat ng pamilya, anuman ang estado sa buhay ay makatatanggap ng 5-kilo commercial rice, 1-kilo pansit miki at 1-kilo karne ng baboy.

"Wala po kaming pinipili, lahat po ay binibigyan. Kahit po 'yong mga nilista na na-lockdown na hindi taga-rito sa aming bayan ay amin din pong inaabutan," ani Macdon.

Sinabi pa ng head ng MDRRMO na humigit 7,000 na ang mga pamilya na kanilang nabigyan ng relief packs mula sa kabuuang 8,736 na pamilya sa buong munisipalid ng Torrijos.

Sa ganitong pagkakataon din aniya, ay natutulungan ng pamahalaang bayan ang mga 'piggery farmers' o iyong mga nag-aalaga ng baboy gayundin ang mga lokal na gumagawa ng pansit miki sapagkat sa kanila mismo binibili ang karneng baboy at produktong miki na siyang ibinabahagi naman sa mga mamamayang nangangailangan ng kalinga ng gobyerno sa gitna ng krisis na kinahaharap ng mundo dulot ng COVID-19.

Ang lokal na pamahalaan ng Torrijos ay tumanggap ng mahigit P10 milyon pondo mula sa Bayanihan Grant to Cities and Municipalities (BGCM) na maaring gamiting pambili ng personal protective equipment (PPE), COVID-19 testing kits, gamot at bitamina, hospital equipment at supplies, food assistance, upa sa mga gusaling gagamitin para sa mga COVID-19 patient at iba pa. (RAMJR/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments