SAN JOSE, Occidental Mindoro, Abr. 30 (PIA) -- Pansamantalang isinara ang San Jose District Hospital, ang pampublikong pagamutan sa bayang ito, upang bigyang daan ang mass testing sa mga health workers dito at decontamination ng buong pagamutan.
Ayon kay Governor Eduardo Gadiano, iniutos niya ang lockdown matapos mag-positibo sa COVID-19 ang isang 35 taong gulang na babaeng nurse sa SJDH.
“Isa siya sa nag-alaga sa unang Covid-19 patient natin na na-confine noong Marso 22,” saad ng Gobernador. Aniya, asymptomatic o walang anumang sintomas ng sakit ang naturang nurse na siyang ikaapat na kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Kaugnay ng pansamantalang pagsasara ng SJDH, hinimok ni Dr. Anna Monica Bracamonte, OIC-Chief ng nasabing ospital sa isang virtual presser kamakailan ang mga Rural Health Units na higit na pag-ibayuhin ang pagbibigay ng primary health care sa kani-kanilang lugar at saluhin muna ang pagpapaanak. Aniya, sakali naman at may mga pasyente na kailangan ng operasyon o surgery, ay maaari itong gawin sa San Sebastian District Hospital sa bayan ng Sablayan.
“Ang SJDH kasi ang nag-iisang pampublikong pagamutan na nagsisilbi sa pangangailangang medikal ng mga munisipalidad ng San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan (SAMARICA),” paliwanag naman ni Dr. Ma Teresa Tan, Provincial Health Officer, at dahil PhilHealth accredited ito, pangunahin aniyang takbuhan ng mga maysakit sa Samarica ang nasabing ospital.
“Ang mahalagang papel na ito ng SJDH ang dahilan kaya nais nating makabalik agad ang operasyon ng pagamutan sa lalong madaling panahon,” dagdag na pahayag ni Gob Gadiano. Bunsod ng layuning ito, sinisikap ngayon ng Punong-lalawigan na magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Philippine Red Cross (PRC). “Sa Red Cross kasi mas mabilis ang paglabas ng resulta ng lab test para sa COVID-19, may bayad nga lang na P3,500 kada resulta,” ayon pa sa Gobernador.
Dagdag pa ni Gadiano, sakaling may magpositibo mula sa 100 health workers na isasailalim sa mass testing ay agad isasama ang mga ito sa isolation ward ng SJDH. Agad din aniyang idi-disinfect ang nabanggit na pagamutan bilang bahagi ng mga itinatakda ng Department of Health sa mga gusali na may kumpirmadong kaso ng COVID-19. (VND/PIA MIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments