4 na barangay sa Batangas City, mananatili sa ilalim ng ECQ

LUNGSOD NG BATANGAS, Mayo 17 (PIA) --Sinimulan ang pagsasailalim ng lungsod ng Batangas mula sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) patungong General Community Quarantine (GCQ) kahapon subalit may apat na barangay na nasasakop ng lungsod ang mananatiling nasa ilalim ng ECQ kabilang ang Cuta, Wawa, Malitam at Sta. Clara.
 
Ayon sa Executive Order No. 22 s. 2020 na inilabas ng pamahalaang lungsod noong Mayo 12, 2020, inilagay ang apat na barangay sa ECQ dahil sa ilang mga factors kabilang ang siksikan ng mga residente sanhi ng tabi-tabing kabahayan, pagkakaroon ng kumpirmadong kaso ng COVID 19 at mataas ang panganib ng pagkalat ng naturang sakit sa komunidad dahilan sa kawalan ng social distancing.
 
Sa inilabas namang Executive Order No. 23 s. 2020 noong Mayo 15, 2020, hindi kasama sa ECQ ang Public Market 2 at 3 na malapit sa nabanggit na barangay gayundin ang Mt. View Park Subdivision.
 
Nakasaad din dito na tanging mga essential business establishments lamang tulad ng sari-sari store, botika at iba pa ang papayagang magbukas na may limitadong oras batay sa rekomendasyon ng Batangas City Task Force on COVID 19. Hindi papayagang magbukas ang mga non-essential business na nasa apat na barangay.
 
Bukod dito, mahigpit na ipapatupad ang mga health protocols at mga gawaing naayon sa IATF guidelines habang nasa ilalim ng ECQ. Hihigpitan din ang mga checkpoints upang masigurong susunod ang mga residente sa safety at health protocols upang maiwasang lalo pang kumalat ang virus. Patuloy na ipinapaalala ang paggamit ng face mask, paglilinis at pagdidisinfect ng gamit at kapaligiran at pagkakaroon ng social distancing.
 
Kaugnay pa nito, ang mga residenteng empleyado o nagtatrabaho sa mga non-essential businesses na nasa GCQ areas ay hindi muna maaaring magreport sa kanilang trabaho habang nasa ilalim pa ng ECQ ang kanilang barangay.

Dahil dito, inutusan ang kanilang mga employers na magbigay ng vacation o sick leave mula Mayo 16-31, 2020 at ipinagbawal ang pagtatanggal sa kanila sa trabaho dahil sa hindi pagpasok habang sumasailalim sa ECQ ang kanilang barangay. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with reports from PIO BATANGAS CITY)
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments