Ayuda sa panahon ng COVID-19

Napabilang ka ba sa mga nakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP), mga food pack subsidy at cash aid na galing sa inyong lokal na pamahalaan ngayong panahon ng lockdown bunsod ng panganib na dulot ng COVID-19?

Para sa ilang residente ng Lungsod Makati, napakalaking bagay ang dagdag tulong na nagmula sa kanilang pamahalaang lungsod dahil sa mga paraan na tulad nito nila nararamdaman na may malasakit para sa kanilang kapakanan ang kanilang gobyerno.

Isa na rito si Diana Oblino na taga-Barangay Olympia, na ipinagmalaking dahil limang miyembro ng kanyang pamilya ang may Makatizen Card, umabot sa P25,000 ang kabuuang halagang natanggap nila mula sa lungsod.

Bukod sa nakapagbayad sila ng naipong bayarin sa tubig at kuryente, nakapagbukas pa sila ng maliit na sari-sari store na siya ngayong pinagkakaabalahan ng kanyang mga magulang sa panahon ng quarantine.

Aniya, kaagad na nag-apply para sa Makatizen Card ang kanyang mga magulang noong ilunsad ito taong 2017, at hinikayat siya at dalawa pang kapamilya na kumuha rin nito. Laking pasasalamat nila sa maagap na ayudang naiparating sa kanila gamit ang Makatizen Card.

Kabilang din sa mga unang nakatanggap ng P5,000 na ayuda si Joeffrey Furo ng Barangay Rizal, may asawa at isang anak. Ginamit niya ang perang pang-kapital sa kanyang e-loading business, maliit na sari-sari store at computer repair shop. Si Furo ay isang PWD dahil naputulan ng isang paa matapos ma-hit and run.

Ipinahayag naman ni Agnes Bungay ng Guadalupe Nuevo ang kanyang pasasalamat sa lungsod dahil nakapagbukas siya ng sari-sari store gamit ang P5,000.

Sa gitna nito, masayang ibinalita ni Makati City Mayor Abby Binay na umabot na sa mahigit P1 bilyon ang naipamahaging ayuda ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng electronic money transfer.

Ito ay sa ilalim ng Makatizen Economic Relief Program o MERP na nagbibigay ng P5,000 tulong pinansyal sa bawat kwalipikadong Makatizen.

Ayon kay Mayor Abby, ang cash assistance ay naipamahagi ng lungsod sa pamamagitan ng GCash sa loob lamang ng dalawang linggo matapos simulan ang MERP. Sa ngayon, umabot na sa mahigit 207,000 ang naitalang benepisyaryo ng programa.

Ikinatuwa rin ni Mayor Abby ang balitang marami sa mga nakatanggap ng P5,000 ang nakapagsimula ng kanilang sariling negosyo, bukod sa pangtustos sa pagkain, at pagbabayad ng tubig at kuryente.

Marami na ring Makatizens ang nakapagsimula ng kanilang online food selling business gamit ang ayudang galing sa lungsod. Kabilang dito sina Peachy Margallo ng Barangay Pinagkaisahan, Ligaya Panganiban ng Barangay Pembo, at Marielle Joyce Pabarlan ng Barangay Cembo.

Ibinahagi naman ni Rinalyn Binongo ng Barangay West Rembo sa Facebook kung papaano niya ginamit ang pera pangdagdag kapital para mapalago ang kanyang online food selling business.

Ang taga-Barangay La Paz na si Elisa dela Cruz ay nagpost ng video habang nagluluto siya ng turon na pambenta, at pinasalamatan si Mayor Abby sa ipinaabot na tulong.

Ayon naman kay Evangelina Minton, isang 67 taong gulang na residente Barangay Pio del Pilar, ginamit niya ang P5,000 upang palaguin ang kanyang lugawan at dagdagan ang kanyang paninda ng iba pang mga produkto.

Sa e-loading business naman ipinuhunan ng taga-Barangay Comembo na si Gemaima Laoagher ang kanyang natanggap na ayuda.

Sa ilalim ng MERP, kwalipikado bilang benepisyaryo ang mga residente ng Makati edad 18 taon pataas, kabilang ang mga nakatira sa relocation areas ng lungsod sa San Jose del Monte City, Bulacan at Calauan, Laguna.

Kailangan ding rehistrado bilang Makatizen Cardholder, o Yellow Cardholder, o botante ng Lungsod ng Makati. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments