Bagong sistema ng Pasig Libreng Sakay inilunsad

(Larawan mula sa Pamhalaang Lungsod ng Pasig)

LUNGSOD PASIG, Mayo 19 (PIA) -- Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang bagong sistema para sa Libreng Sakay bus service na magiging epektibo simula ngayon Mayo.

Ayon sa Pasig Transport, magsasakay at magbababa lamang ang mga Libreng Sakay sa tinakdang sakayan at babaan upang mapanatili ang nakatakdang oras ng biyahe.

Sisikapin ng Pasig Transport na umalis ang mga shuttle mula sa City Hall Terminal sa tamang oras. Kapag peak hours, ang alis ng mga shuttle ay kada 30 minuto, mula 5:00AM-9:00AM at 5:00PM hanngang 9:00PM. At kung off-peak hours naman ay kada isang oras, simula 9:00AM-11:00AM at 2:00PM-5:00PM.

Magmumula sa Pasig City Hall Terminal ang karamihan sa mga Libreng Sakay: City Hall to Kalawaan; City Hall to Kenneth; City Hall to The Medical City; City Hall to Ligaya via PCGH; City hall to Ligaya via Rosario.

Malalaman naman ang lokasyon ng bawat Libreng Sakay sa pamamagitan ng pag broadcast nito, katuwang ang PLDT-Smart, Sakay.ph at Samsung. I-download lamang ang app ng Sakay.ph sa Apple Store o sa Google Play o kaya naman pumunta sa covid19.sakay.ph.

Samantala, bilang tugon na rin sa pangangailangan ng marami na makapag-biyahe mula at pabalik sa Pasig, hinabaan ng Pasig Transport ang ruta ng mga Libreng Sakay hanggang sa mga karatig lungsod ng Taguig, Mandaluyong at Marikina maging sa Cainta at Taytay sa lalawigan ng Rizal.

Simula noong Marso, patuloy ang Pasig Transport sa pagbibigay ng mga libreng sakay para sa mga medical healthworkers at frontliners ng lungsod sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) hanggang ngayong nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) na ang Metro Manila. (Pasig Transport/PIA-NCR) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments