BAY, Laguna, Mayo 19 (PIA) – Magandang balita para sa mga consumer na sakop ng First Laguna Electric Cooperative, Inc. o FLECO sa lalawigan ng Laguna dahil pagagaanin nito ang pagbabayad ng bill para sa mga buwan ng Marso at Abril 2020.
Sa anunsyo ng FLECO sa opisyal na Facebook page nito noong Biyernes, Mayo 15, 2020, ipinaliwanag rito na hahatiin sa apat ang pagbabayad para sa bayarin sa mga buwan ng Marso at Abril 2020 at ang mga ito ay walang karampatang surcharge o multa.
“Para po sa mga hindi pa nakakapagbayad ng March at April bills, ang babayaran sa mga nabanggit na billing months ay automatic na pong hahatiin at isasama sa May-August 2020 statement of accounts or electric bills,” pahayag ng FLECO.
Halimbawang P800.00 ang total o kabuuang pinagsamang bill ng Marso at Abril, hahatiin ito sa apat (P800.00/4=P200.00) na kung susumahin ay magiging P200.00. Kung kaya’t P200.00 ang siyang idadagdag na halaga sa bawat bill na matatanggap ng mga consumer sa mga buwan ng Mayo, Hunyo, Hulyo, at Agosto 2020.
Ito umano ay sang-ayon na rin sa atas ng Energy Regulatory Commission o ERC.
Ibinalita rin ng kumpanya na bumaba aniya ang “power rate” ngayong Mayo. Ipinaliwanag sa kanilang anunsyo na mula sa 9.6279/kWh nitong Abril, ang residential rate ngayong Mayo ay nasa 9.3298/kWh na lamang. Bumaba ito nang 0.2981/kWh ngayong buwan.
Dagdag pa rito, siniguro naman ng FLECO na ngayong buwan ay magsasagawa na ng actual reading o aktuwal na pagbabasa ng metro ng kuryente kaya naman maitatama na ang estimated electric bill ng mga consumer nito.
Paliwanag nito, “Ibig sabihin, kung mayroong sobrang consumption sa buwan ng Abril, ito po ay ibabawas na sa buwan ng Mayo. Kung nagkulang naman po ang estimated consumption, ito po ay dadagdag sa buwan ng Mayo.”
Sakali aniyang may mga concerns, complaints, o reports ay maaaring tumawag sa 24/7 na emergency hotlines ng FLECO na 0917-503-7552 para sa Globe/TM at 0933-816-8117 para sa Smart/Sun.
Samantala, ang mga nagnanais magbayad ng kanilang electric bills ay maaaring magtungo sa payment centers at sa mismong FLECO offices na bukas mula Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Sa kasalukuyan, mayroong kabuuang 84,385 na miyembrong “consumer owners” ang FLECO kung saan 68,281 na miyembro ang aktibo mula sa 11 bayan ng Ikaapat na Distrito ng Laguna.
Ang 11 lokalidad na sineserbisyuhan nito ay ang mga bayan ng Cavinti, Pagsanjan, Lumban, Kalayaan, Paete, Pakil, Pangil, Siniloan, Mabitac, Famy, at Sta. Maria. (Joy Gabrido/Impormasyon mula sa FLECO Official FB Page)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments