NAGCARLAN, Laguna, May 19 (PIA) — Inalis na ni Nagcarlan Mayor Ody Arcasetas ang lingguhang ‘total lockdown’ sa kanyang bayan simula kahapon ng Lunes, Mayo 18.
Sa pahayag nito sa kanyang Facebook page, sinabi ni Mayor Arcasetas na ‘lifted’ na ang pagpapatupad ng total lockdown sa Nagcarlan tuwing araw ng Lunes.
Saad nito na bagaman lifted na ang lockdown ay mananatili pa ring sarado ang kanilang pamilihang bayan tuwing araw ng Lunes para sa pagsasagawa ng disinfection.
Maaari namang magbukas aniya ang mga establisimyento na nasa paligid ng pamilihan pagkatapos ng disinfection.
Ipinaalala rin ng alkalde na “per district” pa rin ang schedule ng pamimili maliban sa araw ng Lunes upang maiwasan ang pagdagsa ng tao sa mga pamilihan.
Patuloy naman ang panawagan ni Mayor Arcasetas sa mga nasasakupan nito na palagiang magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, at manatili sa kanilang tahanan upang maiwasan at maproteksyunan ang sarili laban sa COVID-19.
Bagaman inalis na ang lockdown ay mananatili pa rin sa ilalim ng ‘modified’ enhanced community quarantine ang nasabing bayan hanggang Mayo 31.
Matatandaan na noong Mayo 11 ay nagpalabas ng kauutusan ang alkalde ukol sa pagpapatupad ng ‘total lockdown’ sa Nagcarlan tuwing Lunes upang bigyang daan ang pagsasagawa ng disinfection sa iba’t ibang bahagi ng kanilang bayan. (FSC)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments