PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Mayo 1 (PIA) -- Patuloy pa ring ipatutupad ang ‘curfew hour’ at ‘liquor ban’ simula ngayong Mayo 1 hanggang sa Mayo 15 habang ang lungsod ay nasa ilalim na ng General Community Quarantine (GCQ) .
Ito ang napagkasunduan ng Puerto Princesa Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19 at inihayag ito kahapon sa briefing na isiagawa sa City Coliseum kaugnay na pagpapatupad ng mga alituntunin o polisiya sa ilalim ng GCQ.
Ayon kay Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron, mayroon ng inisyal na napagkasunduan sa oras ng ipatutupad na curfew hour ang pamahalaang panglungsod kasama ang mga miyembro ng sangguniang habang naghihintay ng general guidelines mula sa National IATF o kaya ng nasyunal na pamahalaan.
“Magkakaroon pa rin tayo ng curfew.” “gagawin nating alas otso ng gabi hanggang alas singko ng umaga, ito ay curfew para sa lahat ng mamamayan ng Puerto Princesa, maliban doon sa maiisyuhan ng curfew pass,” ang magkasunod na pahayag ni Mayor Bayron.
Ang itinakdang curfew hour ay upang mabigyan ng pagkakataon na makauwi sa kanilang mga tahanan ang mga manggagawa at mga empleyado sa pampublikong mga tanggapan at pampribadong establisyemento na nagsimula nang magtrabaho at ang oras ng uwian ay alas singko ng hapon.
Dagdag pa ni Mayor Bayron, sa lunes ay magpapasa ng ordinansa ang sangguniang panglungsod upang maisa-pinal ang mga alituntunin sa pagpapatupad ng mga polisya sa GCQ kasama na ang ‘curfew hour’ at ‘liquor ban’.
May mga exemption naman sa ‘curfew hour’ tulad ng mga frontliner at mga may ispesyal na kaso kung saan ang mga ito ay iisyuhan ng curfew pass.
Maging ang ‘liquor ban’ ay itutuloy pa rin ang pagpapatupad nito. Ito ang naging tugon ni Mayor Bayron sa katanungan ng isang residente ng lungsod kung mali-lift na ba ang ‘liquor ban’.
“Total dalawang linggo na rin lang, natiis nga natin ang isang buwan eh, ‘wag na muna tayong uminom, dalawang linggo na rin lang ito,” pahayag pa ni Mayor Bayron.
Pinapayuhan naman ng alkalde ang lahat ng lalabas ng bahay ba dapat ay naka-suot pa rin ng face mask at laging ipa-iral ang social distancing. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments