LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 31 (PIA) -- Dahil sa dumaraming industriya ang binigyan na ng pahintulot na makapagbukas ng kanilang mga negosyo, muling sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga locally-stranded individuals (LSIs) at returning Overseas Filipinos (ROFs) lamang ang kinakailangang kumuha ng travel authority mula sa Philippine National Police (PNP) habang ang mga empleyadong nagbabalik-trabaho ay kailangan lamang magpakita ng kanilang mga company IDs.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Ano na ang mga manggagawa o trabahador sa mga essential industries na hinayaang makapag-operate ay dapat ipakita lamang ang kanilang mga company IDs at ibang pang katunayan sa PNP quarantine control points (QCPs) upang sila ay pahintulutang makaraan.
"Hindi na nila (empleyadong nagbabalik-trabaho) kailangan ng travel authority. Sapat na ipakita nila ang kanilang company ID o certificate of employment sa mga QCPs bilang patunay na sila ay Authorized Person Outside of Residence (APOR)," sabi ni Año. "Ang requirement na ito ay para lang sa mga stranded individuals o returning overseas Filipinos," dagdag pa nito.
Ginawa ni Ano ang pahayag makaraang bahain ng mga tanong ang DILG 24/7 Emergency Operations Center at DILG Philippines official social media account tungkol sa mga travel passes. Ang DILG ay nakakatanggap din ng mga feedback mula sa mga regional at field offices kung saan ang mga manggagawa ay pumipila ng napakahaba para lang makakuha ng travel authority bago sila makabalik sa trabaho.
Inihalimbawa niya ang isang pangyayari sa Rodriguez, Rizal kung saan ang mga residente nito ay umabot ng dalawang araw ng mahabang pilahan para lang makakakuha ng travel pass upang makabalik sa trabaho sa Metro Manila. Sinabi nito na ang DILG ay nakipag-ugnayan na sa Rizal LGUs upang itama itong maling gawain at bigyan sila ng kaalaman sa ganitong pangyayari.
Sinabi pa niya na ang mga company IDs o certificate of employment ay sapat ng travel authority.
"Kung kayo ay papasok sa trabaho, ipakita ninyo lang ang inyong company IDs o anumang dokumento na nagpapatunay na kayo ay nagtratrabaho sa isang industriyang pinapahintulutan ng IATF na mag-operate," sabi nito.
Ayon sa kanya, ang mga security personnel na naka-duty ay mayroong listahan ng mga industriya na may pahintulot na maaaring ihambing sa mga company ID na ipapakita ng mga empleyado upang paraanin sa mga security checkpoints.
Kabilang sa listahan ng industriya na may pahintulot mag-operate sa ilalim ng MECQ at GCQ ay ang food and agriculture, manufacturing, utilities, banks at money-transfer. Ang gobyerno ay pinag-aaralan pa kung ang mga dine-in restaurants at ang pagbubukas ng mga barber shops at beauty salon ay papayagan nang magbukas.
Sa mga stranded individuals at ROFs, sinabi naman ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan E. Malaya na dapat kumuha muna sila ng travel authority mula sa local police station at medical clearance sa mga city/municipal health office bago sila bumalik sa kanilang mga sariling bayan.
"Dahil sa direktiba ni Secretary Ano, ang PNP ay naglagay ng helps desks sa lahat ng police station sa buong bansa upang tulungan ang mga stranded individuals. Kailangan ninyo lang isubmit ang inyong medical clearance mula sa mga city/ municipal health office bilang supporting documents," sabi nito.
Nilinaw din ni Malaya na ang lahat ng returning OFWs na tested negative at may test results na hawak ay hindi na kailangan pang i-quarantine ng mga LGU na kanilang pupuntahan. "Iyon lamang mga OFW na kulang ang dokumento ang dapat ma-quarantine habang naghihintay ng resulta. Pero ang mga resulta ay on-line na kaya't dapat ay wala ng problema," sabi pa nito.
Siniguro naman nito na ang lahat ng stranded individuals ay makakapasok sa kanilang mga lugar hangga't mayroon silang mga kaukulang dokumento na pinanghahawakan. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments