Tagalog News: Ikalimang bugso ng relief operation sa Boac, nagpapatuloy

Dumating na sa Boac ang 17,104 sako ng bigas para sa ikalimang sigwada ng ayuda na ipamamahagi ng pamahalaang bayan ng Boac sa mga pamilyang naapektuhan ng ipinatutupad na community quarantine sa bansa.  (Larawang kuha ni Romeo Mataac, Jr./PIA-Marinduque)

BOAC, Marinduque, Mayo 30 (PIA) -- Libu-libong sako ng bigas at tone-toneladang manok ang dumating sa bayan ng Boac kamakailan.

Ito ay bilang ayuda ng lokal na pamahalaan sa bawat pamilyang residente ng nasabing bayan na naapektuhan ng umiiral na community quarantine sa buong Luzon.

Ayon kay Boac Mayor Armi DC. Carrion, lahat ng pamilya na nasasakupan ng kanilang bayan, anuman ang estado sa buhay ay makatatanggap ng 20-kilo ng bigas, 1.2-kilo ng manok, spaghetti pasta, spaghetti sauce, mantika, toyo, suka, 1-kilo asukal at anim na pirasong kape. Kasama ring ipamamahagi ang isang bar na sabong panlaba at dalawang pirasong face mask.

"Lahat po ng pamilya dito sa aming bayan na may kabuuang 17,104 ay makatanggap ng ayuda mula sa ating pamahalaang bayan. Wala po tayong pipiliin, lahat po ay mabibigyan", bahagi ng pahayag ni Carrion.

Ang pondo na ginamit para sa ikalimang bugso ng relief operation ay nagmula sa pinagsamang 20 porsiyentong developmental fund ng munisipyo na nagkakahalaga ng P12.2 milyon at Bayanihan Grant to Cities and Municipalities na nagkakahalaga naman ng humigit P14 milyong piso. (PIA-MIMARPA/RAMJR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments