Tagalog News: Lalaki mula Cajidiocan, nagpositibo sa COVID-19

Inanunsyo ngayon ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit na may panibagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Romblon at ito ay mula sa bayan ng Cajidiocan, Romblon na kasalukuyang naka-admit sa Manila Hospital sa Metro Manila.

ODIONGAN, Romblon, Mayo 26 (PIA) -- Inanunsyo ngayong ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit na may panibagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Romblon. Ito ay mula sa bayan ng Cajidiocan, Romblon at kasalukuyang naka-admit sa Metropolitan Medical Center sa Manila.

Ang lalaking nasa 55-anyos ay na-confine sa Romblon District Hospital halos tatlong linggo na ang nakakaraan dahil sa sakit sa atay ngunit humiling na magpalipat sa Metro Manila dahil sa nararamdamang sakit.

Matapos mai-test sa Manila dahil sa pagkakaroon ng sintomas ng COVID-19, doon siya nagpositibo.

Nagsasagawa na ng contact-tracing ang Rural Health Unit ng Cajidiocan at ng Department of Health para malaman kung sino-sino ang mga nakasalamuha ng pasyente sa Romblon bago dalhin sa ospital.

Samantala, isinailalim na ang Barangay Danao sa bayan ng Cajidiocan sa mahigpit na pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) matapos lumabas ang resulta ng pasyente.

Sa post ni Atty. Greggy Ramos sa kaniyang Facebook page, focal person ng Task Force COVID-19 Cajidiocan, sinabi nito na tanging ang mga workers pass at travel pass lamang ang makakapasok at makakalabas ng barangay.

Hiniling rin nito sa publiko na maging mahinahon at sinisigurong kontrolado ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments